Default Thumbnail

Bangon Bulacan!

March 13, 2022 Allan L. Encarnacion 400 views

Allan EncarnacionNAKAKATUWA rin itong kaibigan ko sa 5th district ng Bulacan.

Dalawang taon na ang nakakaraan, may mga kamag-anak at kaibigan tayo sa lalawigan na nagtatanong kung sino iyong naka-elf truck na nagbibigay ng mga pagkain sa iba’t ibang lugar.

Ito iyong umpisa ng lockdown kaya alam ko na kung sino ang kanilang titunukoy. Akala nga nila totoong truck driver kaya nagulat sila nang sabihin ko na si Atty. Arnel Alcaraz iyon na dating opisyal ng Customs na dalubhasa sa Customs and Tariff Code.

Ibinida ko na tuloy sa mga kamag-anak at mga kaibigan ko si Alcaraz. Sabi ko sa kanila, itong si Triple A ay kabilang sa mga naghulma ng kasalukuyang Customs and Tariff Code na ginagamit natin ngayon sa buong bansa. Kaya nga looking forward din tayo sa magiging papel ni Atty. Arnel sa bubuksang New Manila International Airport sa Bulakan, Bulacan dahil nga iba ang utak nito pag dating sa airport and in-landport operations.

Balikan ko lang iyong elf truck na umiikot sa Bulacan noon pa mang wala pang kulay ang eleksiyon. Ang totoo, maraming ginawang pagkilos si Atty Alcaraz mula sa legal assistance at ayuda distribution nang walang malisya sa pulitika. Nagbabahay-bahay ito bitbit ang mga pagkain habang marami ang hindi nakakalabas dulot ng lockdown.

Ayaw naman talaga sana kumandidato ni Alcaraz sa pagkakongresista kaya lang, hindi siya nakatatanggi sa public clamor. Ang totoo, ang akala nga namin ay tatakbo itong unopposed dahil iyong dating tatakbuhan niyang 2nd district ay naging 5th district dahil sa redistricting na nangyari sa lalawigan.

Si Tina Pancho sana ang makakalaban ni Atty. Arnel kaya lang, nag-iba ang district kaya iyong Pandi, Bocaue, Guguinto at Balagtas ay naging 5th district. Marami ang nagtaka kung bakit may biglang sumulpot na kalaban si Atty Arnel.

Pero talagang ganoon, demoktratikong bansa tayo kaya puwedeng kumandidato ang lahat ng gusto kahit kagigising mo lang at wala ka pang nagagawa para sa iyong mga kalalawigan.

Malaking bagay si Atty Alcaraz sa team ni Bulacan Governor Daniel Fernando dahil nga makatutulong ito sa mga programa ng lalawigan para sa poverty alleviation, industrialization, job generations, food security at peace and order.

Iyong expertise ni Alcaraz talaga ang inaabangan kong mapakinabangan ng mga taga-Bulacan dahil ngayon pa lang ay may mga nakalatag na itong legislation na lalo pang magpapalakas sa pakinabang ng probinsiya sa itinatayong paliparan.

Hindi lamang ang 5th district ang makikinabang sa mga plano ni Alcaraz bukod sa airport, nagpapanukala rin siya ng mga in-landports at pagbubukas ng mas maraming economic zone sa lalawigan. Ganitong mga lider talaga sana ang kailangan natin.

Sa tototoo lang, masyado nang napag-iwanan ang Bulacan na gateway ng Metro Manila at Northern provinces. Ang Sta Rosa, Laguna ay talahiban pa lang, ang Bulacan ay nagsisimula nang umusbong. Maging ang Cavite ay wala pang kabuhay-buhay noon, ang Bulacan ay kilala na sa maraming larangan. Pero matapos ang maraming dekada, iyong Laguna at Cavite ay naging business haven na at highly industrialized zone na pero ang Bulacan, pinsan-buo pa rin ng kabukiran!

Kaabang-abang ang pagpasok ni Atty. Alcaraz sa kongreso dahil sobrang dami ng idea nito na kayang gawin subalit pinabayaan sa maraming panahon.

Malaking hamon sa mga taga-5th district ng Bulacan ang magtulungan para kay Atty Alcaraz kung gusto nilang makaahon sa lugmok na kahirapan.

Bangon Bulacan, gising na sa pagkakahimbing!

[email protected]