Default Thumbnail

Bakasyon at pagtitika!

April 9, 2023 Marlon Purification 305 views

Marlon PurificationHANGGANG ngayon ay maraming nagkokomento kung bakit may mga kababayan tayong nagsasaya tuwing Semana Santa.

Pangit daw ito tingnan at labag sa mga Salita ng Diyos, ayon sa mga konserbatibo.

Kahit ang pagkain ng masasarap, partikular na ang baboy at karne, ay hindi rin dapat gawin, ayon sa kanila.

Ang dapat anilang gawin ay magdasal, magtika at mag-ayuno!

Sa isang bansang tulad ng Pilipinas na may 80.6 percent ang Katoliko mula sa 113.9 million populasyon, hindi maiaalis ang mga ganitong uri ng paniniwala at pamahiin.

Ngunit dahil moderno na rin ang henerasyon, marami na rin sa atin ang hindi sinusunod ang mga ganitong uri ng paniniwala.

Masarap naman talagang namnamin na makita ang ating mga kababayan na nagsisimba at nagdarasal. Higit lalo na makita ang ilan na ipinagpapatuloy ang tradisyon ng Pabasa o Senakulo, lalo na kung mayroon pang Visita Iglesia.

Sabi nga, kanya-kanyang paniniwala ito at dapat ay magkaroon ng respeto sa isa’t isa.

Walang iniwan ito sa argumento kung dapat bang sambahin ang mga rebulto o hindi.

O kaya ang paniniwala ng Muslim na hindi dapat kumain ng karne ng Baboy dahil labag ito sa itinatadhana ng Islam.

Sa ganang akin, mahalaga na kilalanin ang paniniwala ng bawat isa.

Kung sa tingin nila’y dapat magtika ngayong Semana Santa ay mabuti iyon.

Pero kung gusto naman ng ating mga kababayan na maglakwatsa, magswimming o magbakasyon o kaya’y mag-abroad pa ang mga pera, ibinigay na natin iyon sa kanila.

Ika ‘nga, walang basagan ng trip!

Sa halos tatlong taon tayong natali ng takot at pangamba na nilikha ng pandemya sa COVID-19, hindi natin masisisi ang iba kung sabik silang makapaglamyerda.

Lalo na kung kasama ang kanilang mga kaanak at kaibigan.

Naniniwala kasi tayong natural lamang ang pagbabakasyon sa ganitong uri ng sitwasyon, pero higit din tayong naniniwala na dapat ngayon din ang panahon ng pagkilala kung bakit ba talaga ipinako si Hesus at iyon ay walang iba upang isalba tayong lahat sa ating mga kasalanan.

Puwede namang magtika habang nagsasaya at mangyayari iyan kung sinsero at banal ang ating pananalig sa Kanya!

Maligayang bakasyon po sa lahat!