Quiboloy

BAGONG TESTIGO VS PACQ

March 21, 2024 PS Jun M. Sarmiento 93 views

KINUMPIRMA ni Senadora Risa Hontiveros ang paglutang ng mga bagong testigo sa susunod na pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality , laban sa founder at leader ng Kingdom of Jesus Church (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.

Sa isang panayam sa Cebu City, inilahad ni Hontiveros na sa wakas ay nagkaroon na ng lakas ng loob ang iba pang umano’y victims ni Quiboloy na nagpahayag na ng kahandaan na ilahad ang kanilang storya sa susunod na pagdinig. Gayundin ay kinumpirma din ng Anti-Money Laundering Council officers na dadalo din sila sa naturang komite.

Marami pa aniyang nais na tumestigo ngunit inamin ni Hontiveros na sinasala ng kanyang komite ang mga nagpipresenta upang maiwasan ang posibleng pagsabotahe sa kanilang ginagawang pagdinig.

At upang masigurong ligtas ang mga victim survivor na humaharap sa kanyang pagdinig ay nakipag ugnayan na aniya sila sa tamang sangay ng gobyerno upang masigurong ligtas ang mga buhay ng mga ito at mabigyan proteksyon sa mga harassment na dinadanas ng karamihan sa kanila bunga ng ginawang testimonya sa kanyang imbestigasyon laban kay Quiboloy.

Maging siya, ani Hontiveros ay nakatatanggap din ng mga di kaaya-ayang salita at mga pagbabanta ngunit mas pinili niya na ipagpatuloy ang pagdinig na ito upang malaman in aid of legislation kung paano mabibigyan proteksyon ang maraming mananamba na binibiktima ng mga secretive religious group gaya ng KoJC na pinagsasamantalahan ang kanilang mga miyembro.

“Minsan natatakot din po ako. Natural lang naman po yun dahil tao naman din tayo. Pero hindi po tayo pwedeng maduwag at kailangan po natin lumaban para sa tama at katotohanan.

Nagdadasal na lang po ako kay God the Father na tulungan niya ako na maipagpatuloy ko ang aking trabaho.” ani Hontiveros.

Sinabi rin ng senadora na ang kasalukuyang warrant of arrest na isisilbi kay Quiboloy ay kasado na at nakipag ugnayan na rin aniya ang Office of the Senate Sergeant at Arms sa Philippine National Police sa Davao na maagap naman aniyang nagpakita ng kahandaan sa anumang possibleng mangyari sakaling maisilbi na warrant laban kay Pastor Quiboloy.

“Nagbigay naman po sa ating ng kasigurahan ang Region 11 ng PNP na aalalayan po nila ang OSSAA sa pagsasagawa ng kanilang delivery of the warrant of arrest.

Niliwanag niya rin na imbes na sagutin ni Quiboloy ang kanyang show cause order ruling ay binigyan pa aniya siya ng 17 sets of conditions na dapat niyang pirmahan at dapat rin pirmahan ng Pangulong Marcos jr.

“Isa po ang naging maliwanag sa aming pag-review his explanation is nowhere near satisfactory. Puro rehash ng previous argument lang ulit ang sinabi nila” ani Hontiveros.

Matatandaan na sa ginawang pagtugon ng mga abogado ni Quiboloy sa pamumuno ni Atty. Melanio Elvis Balayan, inilahad nitong hindi makatarungan na pumunta ang pastor sa pagdinig dahil ito aniya ay pagtapak sa kapangyarihan ng judicial functions at wala na ito sa kapangyarihan ng senado na agad naman kinontra ni Hontiveros sa pagsabing hindi naman talaga korte ang senado, at hindi rin siya judge, ngunit nasa kapangyarihan ng kamara ang pag iimbestiga in aid of legislation.

“A Senate resolution has no effect and force of law and can make no such legal determination of guilt or deprive anyone, including Quiboloy, of life, liberty or property as a result of its material averments or findings,” ani Hontiveros.

Sinabi rin ni Hontiveros na hindi biro ang mga kaso ni Quiboloy at hindi pulitika ang nasa likod nito gaya ng mga sinasabi niya kundi mga seryosong akusasyon at krimen ang ibinabato sa kanya dito at maging sa Amerika.

“Napaka seryoso ang mga kinakaharap niyang kaso lalot nasa one of the most wanted list na siya ng FBI. At kung totoong Appointed son of God siya, gaya ng sinasabi niya, baka bababa siya mula sa langit. Basta ang mahalaga sa amin mag attend siya upang personal niyang sagutin ang mga paratang sa kanya,” paglalahad ni Hontiveros.

Gayunman, naniniwala siya na dapat na harapin ni Quiboloy ang mga akusasyon laban sa kanya lalot ngayon na mayroon ng nakaambang na warrant of arrest ang senado sa kanya.

“He must show up. He must respect the institution of the Senate,” giit ng senadora.