SS Ang bagong PRO Calabarzon regional director P/Brig. Gen. Carlito M. Gaces (gitna) kasama si Batangas police director P/Col. Pedro D. Soliba (nasa kanan).

Bagong regional director ng PRO Calabarzon bumisita sa Batangas

May 14, 2023 Jojo C. Magsombol 223 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas — Mainit ang naging pagtanggap ng mga tauhan ng Batangas Police Provicial Office (BPPO) sa pangunguna ni Provincial Director Police Colonel Pedro D. Soliba sa bagong Regional Director ng Police Regional Office CALABARZON na si Police Brigadier General Carlito M. Gaces sa kanyang pagbisita noong Sabado, Mayo 13, sa Camp Miguel Malvar, Kumintang Ilaya, Batangas.

Matapos ang isinagawang tradisyonal na arrival honors, masayang tumanggap ng mga red roses at chocolates ang mga kababaihang pulis na ina bilang pagdiriwang ng “Mother’s Day”.

Ipinahayag ni PBGen Gaces sa kanyang “Talk to Men” sa mga kapulisan ng Batangas PPO ang kanyang kasiyahan na makarating sa naturang Police Provincial Office at personal silang makapanayam.

Aniya, ang pinakauna niyang nais ibahagi ay ang pagkakaroon ng pagkakaisa sa bawat miyembro ng PNP dahil magmumula rito na maisakatuparan ang minimithi nating isang payapang komunidad.

Binigyang diin din nya ang patuloy na pagsasagawa ng mga anti-criminality operations partikular sa iligal na droga at sugal.

Patungkol naman sa Integrity Enhancement sa hanay ng PNP ay sinabi niyang nariyan ang Internal Affairs Service (IAS) para umalalay sa kapulisan lalo na ang mga nasa frontliners.

Sa kanyang pagtatapos, ipinahayag niya sa bawat isa na maaari siyang lapitan sa anumang concern na nais iparating ng bawat miyembro ng kanyang nasasakupan.

Sa ginanap na Command Conference na isinagawa ay iprinisinta ang mga plano at programa gayundin ang mga naging accomplishments ng Batangas PPO.

“Lubos ang aming pasasalamat sa pagbisita bagong Regional Director ng PRO CALABARZON sa Batangas PPO. Makakaasa po kayo sa pagkakaisa ng bawat kapulisan sa probinsya ng Batangas at ang aming pakikiisa sa programa ng PNP. Patuloy naming gagampanan ang aming tungkulin para maisakatuparan ang nag-iisa nating Vision na magkaroon ng payapa at ligtas na komunidad” sabi pa ni Soliba.

AUTHOR PROFILE