Universe

Bagong pambato ng ’Pinas sa Miss U, makikilala na

September 28, 2021 Ian F. Fariñas 333 views

Mangyayari na ang pinakahihintay na araw ng mga pageant fan dahil makikilala na ang bagong Miss Universe Philippines sa pagpapatuloy ng coronation night bukas, Setyembre 30 (Huwebes), na mapapanood nang live sa pamamagitan ng streaming simula 7 p.m. sa KTX.PH.

Bago ang inaabangang coronation night sa Henann Resort Convention Center sa Bohol, nagpakitang-gilas na ang natitirang 28 kandidata sa iba’t ibang pageant activities na naganap noong nakaraang linggo.

Una na silang sumabak sa preliminary interviews noong Setyembre 24 (Biyernes) kung saan binigyan sila ng 30 segundo upang sagutin ang bawat isa sa limang katanungan.

Samantala, nirampa naman nila ang kanilang mga pulang swimwear at magagarbong evening gown noong Setyembre 26 (Linggo) sa Clark International Airport.

Bumuhos naman ang tweets ng netizens sa ipinakitang galing ng kani-kanilang mga napupusuang kandidata at nag-trending pa ang ilan dito sa mga nagdaang araw sa social media.

Maaari pang bumoto ang fans para sa paborito nilang kandidata hanggang ngayong Setyembre 29 (Miyerkules).

Ang kandidata na may pinakamaraming boto ay pasok na agad sa Top 16.

AUTHOR PROFILE