Lotlot

Lotlot, maraming kwento na pang-‘MMK’ … Janine, choice ng aktres na gumanap sa karakter niya

September 28, 2021 Ian F. Fariñas 405 views

ISA si Lotlot de Leon sa mga bibida ngayong October sa Maalaala Mo Kaya (MMK) kasama ang iba pang Kapamilya stars gaya nina Jeremiah Lisbo, Miles Ocampo, Kim Chiu, Bela Padilla at Zanjoe Marudo.

Sa online mediacon, inamin ng aktres na marami siyang personal na istorya na pwede sa MMK at sa sobrang dami nga raw, eh, malamang abutin ito ng apat na buwan.

Nang tanungin kung sino ang gusto niyang gumanap sa karakter niya halimbawa ngang ma-feature sa nasabing drama anthology ang ilan sa kanyang mga kwento, diretsahang sinabi ni Lotlot na ang anak niyang si Janine Gutierrez.

Na tama lang naman dahil sabi nga ng aktres, kilalang-kilala siya ng anak na kamakailan lang ay naging opisyal nang Kapamilya.

Anyway, sa unang handog ng MMK sa October 2 ay mapapanood ang storya ng PBB ex-housemate na si Ralph Malibunas na gagampanan ni Jeremiah.

Mula nang magka-isip si Ralph (Jeremiah) ay pinangarap na niya na maging isang aktor para mapasaya ang inang si Grace (Lotlot).

Pero tila naging mailap sa kanya ang swerte at palagi siyang hindi nakakapasok sa audition ng PBB. Alamin ang iba pa niyang pinagdaanang pagsubok bago maging isang housemate ni Kuya.

Isang kakaibang pagmamahalan naman ang matutunghayan ng Kapamilya viewers sa pag-iibigan ng flight attendants at YouTube vloggers na sina Tanch Lobete (Michelle) at Sarah Garcia (Sarah) sa Oktubre 23.

Dumaan man sa pang-aalipusta sa kanilang kasarian, magsisilbing inspirasyon sina Tarah at Sarah na pwedeng umibig ang dalawang babae sa isa’t isa at posible nilang mahanap ang pag-ibig at seguridad sa kanilang relasyon.

Bukod sa bagong episodes, mababalikan din ngayong Oktubre ang mga kwentong may halong kababalaghan kung saan bibida sina Kim at Bela.

Bata pa lang, palagi nang nananaginip si Sarah (Kim) ng mga mangyayari sa hinaharap. Sa paglipas ng taon, mas lumala ang kanyang mga nakita at kalaunan ay nakaapekto sa kanyang kalusugan. Panoorin sa Oktubre 8 kung paano niya nasolusyunan ang kanyang pinagdaanan.

Kwento naman ni Charo (Bela), isang researcher na napadpad sa Tawi-Tawi, ang mapapanood sa Oktubre 16.

Sa kanyang pamamalagi sa probinsya, makakasalubong siya ng isang matandang magbibigay sa kanya ng amulet.

Sa una, aakalain niyang ito ay magbibigay sa kanya ng swerte pero makalipas ng ilang buwan ay matatanggal pa siya sa trabaho.

Alamin kung ano ang ginawa niya sa amulet matapos ng nangyaring kamalasan sa kanyang buhay.

Ang nagdiriwang naman ng ika-15 taon niya sa industriya na si Zanjoe ay mapapanood sa Oktubre 31.

Pwedeng balikan ng viewers ang pagganap niya bilang Viktor, isang amang naghangad na mabigay ang pangangailangan ng pamilya ngunit naloko ng mga taong tinulungan.

Patutunayan ni Viktor na kaya niyang malagpasan ang nangyari at patuloy na ibigay ang pinapangarap na buhay para sa kanila.

Panoorin ang MMK sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment at iWantTFC.

Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

AUTHOR PROFILE