Default Thumbnail

‘Baboy na pulitika, salaulang pamumulitika’

July 27, 2022 Allan L. Encarnacion 700 views

Allan EncarnacionISA sa pinakagusto kong sinabi ni PBMM sa kanyang sona ay ang pagpapatuloy ng lahat ng proyektong sinimulan ng dating administrasyon.

Ito iyong tinatawag sa Ingles na “raising the bar of politics.” Sa ganitong pahayag ni Pangulo ay nagpakita siya ng kanyang kasanayan sa pagiging lider, nagpahiwatig ng totoong pogkakaisa, naglatag ng malinis na daanan para sa kalakaran ng ating pulitika.

Gusto nating humudyat ito sa mga pulitiko sa buong bansa, lokal man at nasyunal, dahil ang ganitong paraan ng pulitika ang magtataas na kalidad ng buhay ng marami nating kababayan.

Hindi naman siguro kaila sa ating lahat ang masamang ugali ng ibang pulitiko na ang unang marching order sa kanyang unang araw sa puwesto ay ipatigil ang lahat ng proyekto ng kanyang pinalitan. Ang masakit, ipapatigil na ang project, magpapaimbestiga pa ng katakut-takot hanggang masampahan ng kaso ang kanyang pinalitan. At kung maari ay maipakulong pa.

Ang matindi, pinaimbestigan na nga at kinasuhan, ipapatigil pa ang project. Ibig sabihin, kung P10 milyon hanggang P100 milyon ang nagastos sa pagsisimula ng project, masasayang na lahat iyon kasi papatubuan na niya ng talahib hanggang mabulok.

Resulta, iyong sugat ng eleksiyon na dapat ay pinaghihilom, mas lalo pang binudburan ng asin kaya nagre-group ang kanyang nakalaban at hindi na rin siya tinigilan sa buong termino. Ganoon na kawanglanghiya ang ibang nakakapuwesto sa atin sa gobyerno, iyong baboy na pulitika, iyong salaulang pamumulitika.

Kaya habang nag-aaway na naman silang bagong upo at ng kanyang pinalitan, nasasakripisyo naman ang kapakanan ng bayan. Maraming ganyan, tumingin lang kayo sa inyong paligid, mga asall hayup na pulitiko.

Sa ganitong pahayag ni PBBM na mas palalakasin pa ang Build Build Build habang itinutuloy ang mga nasimulang project ng Duterte administration, pinapasigla nito ang bansa sa kabuuan at ipinamumukha sa mga bulok na pulitiko ang tamang gawain ng isang maayos na lider.

Hindi ko na babanggitin kung sinu-sino sila para hindi tayo makasakit, maraming big ticket projects ang nabalam magmula 1986 hanggang 2016 dahil sa hayup na kaugalian ng ibang pulitiko. Hindi lang sa national, maging sa mga lokal na pamahalaan sangkatutak ang mga proyekto na naging white elephant dahil pinatigil ng ibang mayor at ibang gobernador ang mga proyekto ng kanilang pinalitan.

Sa pagpapakita ni PBMM ng isang magandang halimbawa, sana tablan na rin ang mga makakapal ang mukha sa ating pulitika.

[email protected]