Mendoza

Babala ng LTO sa mga motorista

August 13, 2023 Jun I. Legaspi 168 views

P200 singil para di na pumila sa plaka, scam

NAGBABALA si Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza sa mga motorsita na hindi pa nakukuha ang kanilang mga plaka na mag-ingat sa mga taong nais pagkakitaan ang prosesong ito.

Ngayon pa lamang, sinabi ni Mendoza na nakatatanggap na siya ng mga ulat na may ilang indibidwal ang nanghihingi ng P200 sa mga kliyente ng LTO dahil aabutin ng siyam-siyam ang pagkuha ng plaka dahil sa haba ng pila sa mga district office at distribution sites.

“Sinasabi na para hindi na daw pumila magbayad na lang daw ng P200 para mabilis. I am telling our kababayan now na hindi po totoo yan, meron na po tayong mga inihandang sistema para maging maayos at mabilis ang distribution process,” ani Mendoza.

Sinabi ni Mendoza na nagsimula na ang proseso ng pamamahagi sa ilang mga lugar sa bansa partikular sa Bicol Region kung saan nagkaroon na ng partial distribution ng mga unclaimed license plates at replacement plates ang LTO Sorsogon at ang LTO Naga City.

Ayon kay Mendoza, “This is the kind of public service that the Filipino people expect from us at ito naman ang mahigpit na tagubilin ng ating DOTr Secretary Jaime Bautista—na mapabilis at maging maayos ang distribution ng mga plaka upang mapasakamay na ng ating mga kababayan ang mga plakang ito na matagal na nilang nabayaran.”

Pinapayuhan naman ni Mendoza ang mga motorista na magkakasa ng appointment system ang LTO para sa sistematiko at maayos na pamamahagi ng mga hindi pa nakukuhang plaka at kabilang na rin ang mga mall sa pinag-aaralang gawing distribution sites.

Hinimok din niya ang mga LTO regional directors at pinuno ng District Offices na gumawa ng mga pinakamainam na hakbang para sa pamamahagi ng mga hindi pa nakukuhang plaka sa lalong madaling panahon o mas maaga pa sa itinakdang 60 araw na deadline.

AUTHOR PROFILE