Default Thumbnail

Away kapitbahay ‘tinapos’ ng saksak

May 24, 2023 Edd Reyes 233 views

TINANGKANG tapusin diumano sa dahas ng 47-anyos na lalaki ang matagal na nilang alitan umano ng kapitbahay matapos pasukin at pagsasaksakin ang biktima Miyerkules ng umaga sa Navotas City.

Kaagad na isinugod ng kanyang pamilya sa Navotas City Hospital ang biktima, 44, na kasalukuyan pa ring ino-obserbahan matapos sumailalim sa operasyon sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, habang tinutugis na ng pulisya ang kanyang suspek na kapitbahay.

Sa ipinarating na ulat ni P/Cpl. Florencio D Nalus, may hawak ng kaso, kay Navotas police chief P/Col. Allan Umipig, nasa loob ng kanilang tirahan sa Barangay Tangos ang biktima, kasama ang kanyang pamilya, nang walang kaabog-abog na pumasok ang suspek na armado ng patalim dakong alas-6:40 ng umaga (Mayo 24) at kaagad na inundayan ng sunod-sunod na saksak sa kanyang katawan ang biktima.

Mabilis na tumakas ang suspek makaraan ang pananaksak, dala ang ginamit na patalim, patungo sa hindi nabatid na lugar.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa pananaksak ng suspek at nagkasa ng manhunt laban dito.

AUTHOR PROFILE