Vilma

Ate Vi, ’di tatakbo sa 2022 elections

October 7, 2021 Ian F. Fariñas 298 views

UMATRAS sa 2022 elections ang Star for All Seasons at Batangas (6th district) representative na si Vilma Santos-Recto. Ginawa ng outgoing House Deputy Speaker ang anunsiyo sa kanyang social media accounts kahapon.

Aniya, “After careful consideration of the present situation, especially the limitations in conducting a campaign during pandemic, I have decided not to seek any elective post in the May 2022 elections.

“Pero hindi nangangahulugan na titigil na ako sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan. Nandito pa rin ako para maglingkod sa inyo.

“I have been serving the public for more than 23 years and will continue to serve in the best way I can, even in my private capacity.

“Tuloy pa rin ang trabaho at serbisyo!

“Sa lahat ng nagtiwala at patuloy na sumusuporta sa akin, maraming, maraming salamat po! Pagpalain nawa tayo ng Poong Maykapal.”

Matatandaan na sa isang recent Facebook live kasama ang anak at manugang na sina Luis Manzano at Jessy Mendiola, respectively, sinabi ni Ate Vi na wala pa siyang final na desisyon sa 2022.

Pinagpilian niya ang muling pagtakbo bilang kongresista ng Lipa o ang pagiging senadora.

Pwede rin naman daw siyang magretiro sa pulitika at magbalik-show business.

Katwiran ni Ate Vi, “I’m considering it. Kaya lang po sa ngayon, nothing is final. Pinag-uusapan pa rin namin what’s the best. Kasi po, alam niyo po, iba na po ang panahon ngayon. Kasi, if you will expect me to be going around physically with the present situation ng COVID, baka mahirapan po tayo.”

“Ibang-iba po ngayon ang klase ng eleksiyon na darating. Baka mamaya, pag hindi niyo po ako nakikita, sabihin niyo, hindi naman namin siya nakikita. Kasi po, delikado na rin po ang panahon, not only for me, but also para po sa inyong lahat. Marami pong dapat pong i-consider sa darating po na eleksiyon,” dagdag paliwanag pa ng aktres-politiko.

Nauna rito, isa rin si Ate Vi sa mga na-nominate sa pagka-Presidente’t Bise Presidente ng 1Sambayan, na agad niyang tinanggihan dahil marami raw mas qualified sa kanya sa nasabing posisyon.

Ngayong mapapahinga siya sa pulitika, excited na ang fans na muling mapanood si Ate Vi sa pelikula o telebisyon.

Habang naghihintay, busy naman ang Star for All Seasons sa paggawa ng content para sa kanyang vlog sa sariling YouTube channel.

AUTHOR PROFILE