Default Thumbnail

Apo binalikan lola sa sunog, parehong dedo

April 23, 2024 Edd Reyes 40 views

TIGOK ang mag-lola habang siyam pa ang sugatan, kabilang ang apat na kaanak ng mga nasawi at limang bumbero, sa naganap na sunog Lunes ng makapananghali sa Caloocan City.

Patay na nang idating sa Caloocan City Medical Center ang 21-anyos na estudyanteng si Layla habang wala na ring buhay ang kanyang 84-anyos na lolang si Aling Purita nang matagpuan sa ibaba ng dalawang palapag na nasunog nilang tirahan sa 248 Marcela St. Brgy. 27 Maypajo.

Sa tinanggap na ulat ni Caloocan City Fire Marshal F/ Supt, Eugene Briones, kapuwa nasawi ang maglola bunga ng pagkakalanghap ng usok makaraang ma-trap sa loob ng bahay nang sumiklab ang apoy dakong alas-12:45 ng tanghali na hinihinalang sanhi ng uminit na lumang kawad ng kuryente.

Nakalabas na umano ang estudyante subalit binalikan nito ang kanyang lola upang tulungang makalabas ng bahay na dahilan upang makalanghap na rin ng makapal na usok.

Bukod sa maglola, namatay din sa sunog ang 10 nilang mga alagang aso at pusa habang siyam ang nasugatan, kabilang si FO2 Nestor Siervo ng Caloocan City Bureau of Fire Protection (BFP), apat na fire volunteer, mga magulang ng 21-anyos na estudyante na sina Epimaco at Lily, 54, at dalawa pa nilang kaanak.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-2:33 ng hapon na tumupok sa tinatayang P300,000 halaga ng ari-arian. Wala namang iba pang katabing bahay na nadamay sa sunog.

Kaagad ding nagpadala ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan si Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa pamilyang naapektuhan ng sunog na pansamantalang nasa covered court ng Brgy. Maypajo.

AUTHOR PROFILE