Default Thumbnail

Angkas and Joyride: Mga bagong king of the road?

January 8, 2023 Allan L. Encarnacion 291 views

Allan EncarnacionNAWALA na sa mapa natin ang Sarao at Malaguena jeep bilang mga hari ng ating lansangan.

Sa tatlong dekadang nakalipas, ang mga jeep na ito ang naghaharing-uri sa ating mga lansangan na kasabayan ng Metro Manila Bus or Love Bus. Ngayon, parang mga kabute na tumatakbo sa ating mga kalsada ang mga motorsiklong binigyan lang ng temporary or provisional authority para maging “passenger taxi.”

Wala naman sana tayong problema na magkaroon ng hanapbuhay ang marami nating mga kababayang kumuha ng hulugang motor dahil nakakatulong din ito sa galaw ng ekonomiya ng bansa. Sa kabilang banda naman, nagkaroon ng alternatibong transportasyon ang mga working class na mas mabilis at mas konbinyente.

Ang problema natin, nadagdagan din ng peligro ang ating mga lansangan dahil dumami ang mga barumbado, mga walang modo at kamote riders na naglalagay sa panganib sa maraming motorista.

Nabanggit minsan ng kaibigan nating si Angkas CEO George Royeca na well-trained ang kanilang mga riders bago lumabas ng kalsada. Hindi ko alam kung personal niyang namomonitor ang mga Angkas riders nang magpahayag siya na matitino ang mga ito.

Ang ibang Joy ride at Angkas riders ay katulad na rin ng mga siga sa kalye na walang pakialam kung hindi ang kumita. Sa madalas na pagkakataon, basta na lang kakaliwa at kakanan ang ibang riders na ito na ibinibigay sa aming mga nakakotse ang obligasyon para iligtas siya at ang kanyang pasahero. Rebelde rin sa pagsingit ang iba sa kanila!

Iyong tipong walang pakialam sa paghataw dahil dadaan sila. Palagi ko ring natitiyempuhan na kapag humihinto kami sa intersection at inilalaan ang pedestrian lanes sa mga tumatawid, silang mga Angkas at mga joy rides naman ang haharang at papatong sa mga pedestrian lanes kaya hirap na hirap ang mga kababayan nating makatawid.

Sa tuwing umuulan, kasama ang mga Joyride at Angkas sa mga humaharang sa mga flyover para sumilong sa mga overpass na naglalagay sa panganib sa ibang motorista. Kung minsan, ookupahin nila ang isang lane ng flyover na nagiging sanhi ng matinding traffic sa mga entrada.

Sa halip na sila ang maging gabay ng mga kamote riders na walang pakialam dahil nga “trained”, madalas sila pa ang napapasimuno sa paglabag sa mga batas trapiko.

Kung mayroon mang totoong nakakakita sa karakter ng mga riders ng Angkas at Joyride, kaming araw-araw at oras-oras na nasa kalye iyon. Kung magiging final man ang desisyon ng DOTr na maging permanent mode of public transport na ang mga single motorcycle, kailangan sigurong magbalik tayo sa drawing board.

Mas dapat silang higpitan dahil nga public transportation na ang kanilang category. Kailangang magkaroon ng pag-aaral ang DOTr kung dapat bang kanselahin na ang kanilang provisional authority or pahayagan silang makapagpatuloy.

[email protected]