Angelikhang

Angeli at Direk Mac, ‘di package deal’

October 9, 2022 Ian F. Fariñas 1658 views

HINDI sila package deal ng sexy actress at Vivamax prized property na si Angeli Khang.

Ito ang paglilinaw na ginawa ng batikang direktor na si Mac Alejandre sa virtual mediacon ng bago niyang proyekto, ang Selina’s Gold, kung saan bida si Angeli kasama sina Jay Manalo at Gold Aceron.

Pero inamin ni Direk Mac na paborito niya si Angeli. Isa raw ito sa mga priority sa listahan niya kapag may role na babagay rito sa mga proyektong gagawin o ginagawa niya.

Matatandaan na si Angeli rin ang bida sa naunang mga proyekto ni Direk Mac, Silip sa Apoy at ‘Wag Mong Agawin Ang Akin, Vivamax.

Noon pa lamang, puring-puri na ni Direk Mac ang potensyal at kahusayan ni Angeli sa pag-arte. Kaya naman tuwing hahawakan niya ito sa isang pelikula, gustong siguruhin ng direktor na isa itong tamang plataporma at materyal para lalong maipakita ang galing ni Angeli sa pagganap.

Para kay Direk Mac, mas grabe at mas mapangahas ang Selina’s Gold sa Silip sa Apoy.

Mas mahirap daw ang papel na ginagampanan dito ni Angeli bilang Selina, ang babaing paulit-ulit na rireypin ng mayaman niyang amo na si Tiago (Jay) at makakarelasyon ng bulag na katulong nitong si Domeng (Gold).

Gagamitin ni Selina ang katawan bilang natatanging armas sa mga pagsubok sa buhay.

Para kay Direk Mac, ang Selina’s Gold ay isang tamang proyekto para mailabas ang kakayanan ni Angeli bilang isang mahusay na artista. Mas malaki raw kasi ang range ng emosyon na dini-demand ng karakter niya rito kesa sa Silip sa Apoy.

Sobrang honored naman si Angeli sa preference sa kanya ng direktor at nagpapasalamat siya sa pag-aalaga at pag-alalay nito sa kanya sa set at sa bawat eksena.

Kasama rin sina Azi Acozta, Soliman Cruz at Mickey Ferriols, ang Vivamax Original Movie na Selina’s Gold ay magsisimula nang mapanood via streaming sa Vivamax sa October 28.

AUTHOR PROFILE