Default Thumbnail

Ang pagnanasa sa bagay na napulot

August 19, 2023 Magi Gunigundo 313 views

Magi GunigundoANG “finders keepers, losers weepers” ay kadalasang binibigkas ng bata na nakahanap ng laruan sa palaruan tulad ng holen, turumpo, bola, sipa, at iba pa na walang nag-mamay-ari at ito ay aangkinin na ng bata. Sa pagtanda ng bata, maaaring pagsakay niya sa isang PUV ay maupuan ang isang maliit na bagay at pagkaraan nitong salatin ito pala ay isang gintong pulseras na walang kalakip na pagkakakilanlan o anumang palatandaan ng may-ari. Puede na ba niyang angkinin ito o dapat ba niyang ipagkatiwala ang pulseras sa drayber ng sasakyan, o dalhin ito sa himpilan ng radyo o sa pulis? Kailangan natin maunawaan kung ano ang sinasaad ng batas sa tungkulin ng taong nakapulot ng isang bagay, mamahalin man o hindi, na walang may-ari.

Ang pundasyon ng batas sa mga napulot o nahanap na bagay ay nagmula pa sa sinaunang panahon ng Roma. Iminungkahi ni Gaius, isang ikalawang siglong dalubhasa sa batas, na ang isang bagay na walang may-ari (res nullius) ay magiging pag-aari ng unang nakapulot o nakahuli nito. Dinagdag ni Emperador Justinian na ang ari-arian na sinadyang inabandona ng may-ari nito (res derelicta) ay nagiging res nullius at pagkatapos noon ay maaaring angkinin ng sinumang indibidwal na nakahanap nito.

Kininis ng panahon ang konsepto ng “finders keepers” sapagkat nagsulputan ang mga sitwasyon na malayo sa orihinal na diwa ng konsepto. Tinutukoy dito ang mga bagay na nalaglag sa bulsa o bag ng may-ari o di kaya ay nakalimutan damputin ng may ari o di kaya ay sadyang itinapon ng pasahero ng isang barko upang makaligtas sa isang unos. Sa mga sitwasyong ito, pinanatili ng tunay na may-ari ang kanyang karapatan na mabawi ang ari-arian. Sa ganitong kaso, krimen ng pagnanakaw ang hindi pagbabalik ng nawawalang bagay ng nakapulot nito (Finders Keepers? A Historical Survey of Lost and Abandoned Property and the Law, Marjun Parcasio, Enero 6,2014).

Ugali ng mga Hapones at Amerikano na magtapon sa bangketa ng iba’t ibang mga bagay na pagmamay-ari nila tulad ng muwebles, kagamitan sa kusina, kasuotan, kagamitang pang-sports, appliances atbp. Ang ginawa nila ay pagbando ng kanilang pag-abandona ng pag-aari sa mga bagay na ito at paghuhubad ng pag-asa na mababawi pa nila ito( spes recuperandi at animo revertendi). Ito rin ay nagsisilbing bukas na imbitasyon sa publiko na halungkatin ang tumpok ng mga bagay (na ngayon ay res nullius) at anuman na makursunadahan ay maaaring kunin nang libre bilang bagong may-ari ng bagay (Art 713 Civil Code).

Kabaligtaran naman ang sitwasyon kung naiwanan o nalaglag ng isang tao ang kanyang cellphone, salaming pang-araw, o pitaka sa isang tindahan, restaurant o pampublikong sasakyan. Walang nangyaring pag-abandona sa pagmamay-ari ng bagay ng tunay na may-ari at nananatili ang kanyang pag-asa na mahanap at maibalik sa kanya ang nawaglit na bagay. Ito ang ang pokus ng batas kaya ang finder o nakapulot nito ay dapat ibigay ang napulot sa kinauukulan, kabilang ang Mayor ng lugar, upang mahanap ang tunay na may-ari. Maaaring tumanggap ng pabuya ang nakapulot sa tunay na may ari na katumbas ng ikapo ng halaga ng napulot na bagay ( Artikulo 719 at 720 Civil Code).

Kamakailan ay nakalimutan kong damputin ang aking iphone na nailapag ko sa mesa ng isang restaurant sa isang mall pagkaraan mananghalian. Natuklasan ko na nawawala ang aking cellphone pag uwi sa bahay. Kinabahan ako dahil nasa Pilipinas tayo. Gayun pa man, agad akong bumalik sa restaurant. Mabuti naman at itinabi ng kahera ang cellphone na agad naman nagbukas ng itapat sa aking mukha dahil sa face id security feature nito. Magbibigay sana ako ng cash bilang pabuya ngunit tumanggi ang waiter at kahera. Ibinili ko na lang sila ng masarap na cake bilang pasasalamat.

Sa desisyon sa Fernando Pante vs People of the Philippines, GR 218969, 18 January 2021, ipinaliwanag ng Korte Suprema na obligasyon ng nakapulot ng nawawalang bagay na isauli ang napulot.

Kung aangkinin ang napulot, maaaring managot ang nakapulot at ang sinuman na pinagsulian ng bagay na napulot sa krimen ng pagnanakaw sa ilalim ng Artikulo 308 ng Revised Penal Code.

Sinasaalang-alang ng batas ang kapakanan ng tunay na may-ari na umaasa na mahahanap at maibabalik sa kanya ang nawalang gamit. Kung ikaw ay nakapulot ng ano mang bagay, inaasahan na magwawagi ang iyong konsensiya laban sa pagnanasa sa bagay na napulot.

AUTHOR PROFILE