Default Thumbnail

Ako ay sumunod lang sa utos

September 17, 2022 Magi Gunigundo 682 views

Magi GunigundoSINABI ni Rod Powers na ranggo at utos ang pundasyon ng disiplina at bisa ng anumang hukbong sandatahan( 09/30/2019). Unang araw pa lang ng pagsasanay sa kampo, isinasaksak na sa utak ng sundalo na “Obey orders immediately” o sumunod sa utos agad ng walang tanong tanong. Kailangan magtiwala sa pinuno na pinapalagay na nagbuo ng utos para makamit ng maayos ang misyon ng kawal at ng pulutong.

Subalit ranggo at utos rin ang ginagamit na kasangkapan ng tiwaling opisyales ng militar at pulis sa korapsyon at pang-aabuso o “power tripping”. Si Uriahna Heteo, ang asawa ni Bathsheba na nabuntis ni Haring David, ay napahamak dahil sa kanyang pagsuway sa utos na sumiping sa asawa kaya nabigo si David na mapagtakpan ang pangangalunya nila ni Bathsheba.

Ang isang sundalo o pulis ay aani ng iba’t ibang klase ng parusa sa kanyang pagsuway sa utos. Bukod sa pagkalat ng balita na siya ay suwail at reklamador, maaaring humarap siya sa court martial dahil sa kanyang“insubordination” at ibababa ng ranggo, makukulong o mapapatalsik ng walang karangalan sa serbisyo. Maaari ring totohanin ang banta na idestino ang sundalo o pulis sa mga misyon na peligroso ang katayuan ng kanyang buhay (si Uriah ay inilagay sa unahan kung saan mainit ang labanan at pagkaraan ay iniwanan ng tropa para mapatay ng kaaway), o mabalagoong sa hawak niyang ranggo samantalang pataas ng pataas ang ranggo ng kanyang mga kasabay. Samakatuwid, mahirap labanan ang tiwaling opisyal na maraming koneksyon.

Kung susunod naman ang sundalo sa maling utos, maaari rin siyang mapahamak.

Mananagot siya sa paglabag sa batas. Hindi tinatanggap na depensa sa hukuman, sibilyan man o militar, ang “ Ako ay sumunod lang sa utos ng pinuno” para ma-absuwelto sa nagawang krimen. Binasura sa paglilitis sa Nuremberg ang depensang ito ng mga nasasakdal na pinuno ng Nazi na nilipol ang milyun-milyon mga Hudyo ayon sa utos ng kanilang “Fuhrer”.

Sa kasaysayan ng Amerika, Little v Barreme ang kauna-unahang kaso na ginamit ang depensang“sumunod lang sa utos” noon 1804. Dahil sa digmaan laban sa France, nagpasa ang Kongreso ng Amerika ng batas na hulihin ang mga barko na patungo sa anumang daungan na hawak ng mga Pranses. Subalit iba ang naging utos ni Pangulong John Adams sa US Navy—hulihin din ang mga barkong galing sa mga daungan na hawak ng mga Pranses. Dahil sa utos ng kanyang Commander in Chief, hinuli ni US Navy Captain Little ang barkong Flying Fish na galing sa daungan na hawak ng mga Pranses. Inireklamo si Capt. Little ng may ari ng barko dahil hindi ito ang inuutos ng batas. Depensa ni Capt. Little na siya ay sumunod lang sa utos ni Pangulong Adams. Natalo si Capt Little at pinagbayad ng danyos sa perwisyong tinamo ng may-ari ng barko.Sinabi ng Korte Suprema na ang pagsunod sa utos ng pinuno ay kailangan sa sistemang umiiral sa militar, at hindi siya mananagot kung hindi naman iligal ang naturang utos. Sa pagkakataong ito, iligal ang utos ng Pangulo subalit sinunod pa rin niya ito,kaya mananagot si Captain Little (6 U.S. 170, February Term, 1804).

Noon panahon ng US-Vietnam War, hindi nagbago ang mga desisyon ng US Military Courts tulad sa US v Keenan (18 C.M.A. 108, 39 C.M.R. 108, 18 USCMA 108 [1969]) na sinunod ang doktrina sa kaso ni Little.

Sundalo ka man o pulis, bilangguan ang bagsak mo kapag sinunod ang utos ng pinuno na maliwanag na labag sa batas. Iyan ang nangyari sa tatlong pulis na pumatay kay Kian delos Santos noon 2017 sa kasagsagan ng digmaan laban sa droga.Sinabi ng hukuman na ang pagpatay ay hindi bahagi ng pagpapatupad ng batas at ang kapayapaan ng bayan ay hindi makakamit sa pagbubuwis ng buhay ng tao. Kailangan gamitin ang utak para timbangin at suriin ang utos ng pinuno.Hindi ito lisensya para gumawa ng krimen. Mayroon kayang kaisipang mapanuri ang mga sundalo at pulis?

AUTHOR PROFILE