Default Thumbnail

Abogado ni Teves humihirit ng paliwanag

March 23, 2023 Edd Reyes 153 views

HIHILINGIN ng kampo ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, Jr. sa House Committee on Ethics ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang umano’y mabilis na pagpapataw ng 60-araw na suspensiyon sa kongresista.

Sa ginanap na media forum sa Maynila Huwebes ng hapon, inihayag ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Cong. Teves, na may tatlong bagay lamang aniya silang nais malaman, kabilang na rito ang pagsuspinde sa panuntunan sa dalawang araw na pagpapatawag ng espesyal na pagpupulong ng komite at kung sinuspinde man ang panuntunan, dapat ay may 10-araw na palugit ang kongresistang inirereklamo sa Committee on Ethics subalit ginawa lamang aniya itong limang araw.

”Sinuspend ang rules pero yung sinasabing me rules na hindi puwedeng video teleconferencing at kailangan face-to-face, bakit hindi sinuspinde? Ano po ba ang ipinagkaiba ng face-to-face na magpaliwanag ang isang kongresista at video teleconferencing, wala naman pong mababago,” pahayag ni Topacio.

Pangalawa na aniya ay kung bakit hindi pinagbigyan ang kahilingan ni Cong. Teves na mag-privilege speech via teleconferencing, habang marami naman aniyang kongresista na nag-privilege speech sa naturan ding pamamaraan.

Sinabi pa ni Topacio, hihintayin nila ang sagot mula sa Kongreso saka sila mag-iisip ng kanilang hakbang depende sa magiging desisyon ni Cong. Teves.

Aniya, malaki ang pasasalamat niya sa kabutihang loob ni House Speaker Ferinand Martin Ro,ualdez na kanyang nakausap kung saan nagkaroon sila ng tinatawag na “gentleman agreement” subalit hindi naman aniya ito maaaring isapubliko bilang pagrespeto sa butihing speaker.

Dagdag pa ni Topacio, hiling lang ng kaniyang kliyente na maging patas ang proseso sa kinakaharap na isyu lalo na’t hindi pa naman napapatunayang guilty ang k aniyang kliyente at suspek pa lamang ito sa mga akusasyon.

Iginiit pa ni Topacio na totoong may banta ang kaniyang kliyente bago pa man mangyari ang insidente ng pagkakapatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at matagal na aniya itong isinapubliko ni Cong. Teves.

AUTHOR PROFILE