Default Thumbnail

BUWIS BUHAY

March 23, 2023 Melnie Ragasa-limena 282 views

Bayaning traffic enforcer sinagip biker vs truck, nahagip, dedo

NAKITA ng traffic enforcer na tatamaan ng truck ang lalaking naka-bisikleta. Agad niyang itinulak ito upang hindi masagasaan. Nang biglang ‘Blag!’ Sa isang iglap ay duguang nakahandusay na ang bayani sa daan. Imbes na ang biker, ang traffic enforcer ang nahagip ng paparating na sasakyan. Mistulang kinuha nito ang itinakdang oras para sa biktima ni Kamatayan.

Nakatakdang gawaran ng parangal ang traffic enforcer na nagbuwis ng buhay para masagip ang lalaki na sakay ng bisekleta mula sa isang nadiskaril na truck Miyerkules ng hapon sa lungsod Quezon.

Ayon kay city traffic and transport management department head Dexter Cardenas gagawaran ng pagkilala ang kabayanihan ni Jeffrey Antolin.

Bukod sa parangal ay sasagutin din ng local government ang hospital at funeral expenses ni Antolin.

Sa report ng District Traffic Enforcement Unit 1, nagmamando ng trapiko ang biktima sa mga pedestrian na tumatawid sa A. Bonifacio Avenue Barangay Balingasa bandang 5:30 p.m. ng mabundol ng isang Isuzu tractor head.

Ngunit bago mangyari ang insidente ay nakuhanan ng surveillance camera ang ginawang pagsagip ni Antolin sa isang lalaking sakay ng bisekleta.

“”Tinulak niya ‘yung naka-bike kaya nakaligtas ‘yung naka bike,” saad ni traffic enforcer RJ Paghiligan sa isang TV interview.

Isinugod si Antolin sa isang ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.

Agad namang naaresto ang driver ng truck na si Joel Dimacali. Aniya nawalan ng preno ang kaniyang minamanehong sasakyan kaya niya nahagip ang biktima.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng truck.