
44 Ati sa Bora pinabibigyan ng gov’t owned land ng DAR
IPINAG-utos ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III ang alokasyon ng government-owned land (GOL) sa 44 na miyembro ng Boracay Ati Tribal Association na nawalan ng lupa matapos makansela ang kanilang Certificate of Land Ownership Award (CLOA).
Ayon kay Undersecretary for Legal Affairs Napoleon Galit, inutos ni Estrella ang alokasyon matapos bawiin noong Marso 26 ng may-ari ng lupa, na may sukat na 1,282 metro kuwadrado, ang inuukupahan ng mga Ati.
Isa sa mga indigenous peoples ang Ati na napagkalooban ng CLOA sa termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Magbibigay ng karampatang tulong at suporta ang ahensiya sa lahat ng mga agrarian reform beneficiaries pero susundin natin ang batas,” ani Galit.
Binunyag pa ni Galit na mas ninanais ng 44 Ati member na paghati-hatian nila ang may 1,282 metro kuwadrado na lupa.
Subalit, ani Galit, mas nanaisin ni Estrella na bumalik sa pagsasaka ang mga apektadong Ati member sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng sariling lupang pangsakahan na maaari nilang payabungin
Batay sa rekord, nagsampa ng pestisyon noong April 10, 2019 ang may-ari ng lupa na si Digna Elizabeth Ventura na huwag isama ang kanyang lupain sa CLOA na ibinigay sa mga Ati noong 2018.
Noong 2020, isinantabi muna ng DAR-Regional Office 6 ang kaso matapos atasan si Ventura na magpakita ng soil analysis test hinggil sa kaangkupan ng naturang lupain para sa agrikultura.
Noong 2023, nakapagpakita si Ventura ng sertipikasyon mula sa Agricultural Land Management and Evaluation Division ng Bureau of Soils sa ilalim ng Department of Agriculture, na kinukumpirmang hindi angkop para sa agrikultura ang naturang lupain.
Dahil sa naturang kumpirmasyon ng DA, kinatigan ni DARRO-6 Regional Director Sheila B. Enciso ang petisyon ni Ventura.
Inatasan ni Enciso si Ventura na magsumite ng aplikasyon para sa pagkansela ng CLOA sa tanggapan ng DA secretary.
Noong Marso 5, 2024, nagpalabas ang tanggapan ng DA secretary ng final order ng pagkansela sa CLOA matapos na mabigo ang 44 na Ati na pabulaanan ang sertipikasyon na inilabas ng DA.