Default Thumbnail

Mawar mananatiling ‘super typhoon’ sa pagpasok sa PAR

May 25, 2023 Zaida I. Delos Reyes 243 views

MANANATILI sa kategoryang “super typhoon” ang bagyong “Mawar” sa pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility o PAR sa Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga at tatawaging “Betty.”

Sa inilabas na bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sakaling makapasok ng PAR si Mawar ay inaasahang palalakasin nito ang pagkilos patungong kanluran, hilagang kanluran sa loob ng 12 oras at tatahakin nito ang direksyon ng dulong hilagang Luzon.

“Makikita natin sa ating track na mapapanatili po nito yung kaniyang intensity o category bilang isang super typhoon hanggang sa pumasok at baybayin nito ang ating karagatan,” pahayag ni PAGASA weather specialist Ana Clauren-Jorda.

Dala ni Mawar ang lakas ng hangin na aabot sa 215 kilometro bawat oras na pasok parin sa super typhoon category.

Inaasahang magbibigay ng malakas na ulan si Mawar sa Cagayan Valley mula Linggo hanggang Martes.

Palalakasin din nito ang southwest monsoon at maghuhudyat ng monsoon rain sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas simula sa Linggo o Lunes subalit maaari din itong mabago, ayon sa ahensiya.

Posible rin magtaas na ng tropical cyclone wind signal sa mga susunod na araw dahil sa malakas na gale-force condition sa halos lahat ng lugar sa rehiyon maliban sa Batanes-Babuyan island area na maaaring magkaroon ng gale to storm-force condition.

Paliwanag ng PAGASA ang storm force condition, Signal No. 2 hanggang 3 ay itinataas sa ilang bahagi ng Batanes at Babuyan Islands.

“‘Pag sinabi nating storm force condition, Signal No. 2 to 3 ang ating ire-raise na warning signals sa ilang bahagi o sa may Batanes at Babuyan Islands,” paliwanag ni Jorda.

Maaari ring umabot sa Tropical Cyclone Wind Signal Signal 1 o 2 ang itataas sa nalalabing bahagi ng Cagayan Valley.

“Samantalang sa nalalabing bahagi ng Cagayan Valley ay posibleng umabot sa Signal 1 to 2 yung itataas natin na Tropical Cyclone Wind Signal,” dagdag pa ni Jorda.