Default Thumbnail

9 pamilya inilikas dahil sa 6.2 na lindol sa Catanduanes

April 5, 2023 Zaida I. Delos Reyes 245 views

SIYAM na pamilya na binubuo ng 32 katao ang inilikas mula sa coastal areas ng Gigmoto, Catanduanes matapos ang 6.2 magnitude na lindol na yumanig sa lugar nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs, ang sentro ng lindol na naramdaman dakong 8:45 ng gabi ay makikita sa 120 kilometro ng Timog-Silangan ng bayan ng Gigmoto.

Unang iniulat ng Phivolcs na umabot sa 6.6 magnitude ang naramdamang pagyanig subalit kalaunan ay ibinaba ito sa 6.2 magnitude.

Dahil sa lakas ng pagyanig, naglabas ang Phivolcs ng “tsunami warning” sa Catanduanes, Northern Samar, at Eastern Samar.

Pinayuhan ng ahensiya ang mga may-ari ng resort sa lugar na iwasan ang anumang uri ng coastal activities at binawalan ang mga mangingisda na lumaot. Dakong 12:30 ng madaling araw ay binawi rin ang tsunami warning.

Naitala ang intensity IV sa Virac, Catanduanes, Intensity III sa Prieto Diaz at Sorsogon City sa Sorsogon; San Policarpo, Eastern Samar, Allen, Biri, Bobon, Catarman, Laoang, Lavezares, Rosario, San Jose at San Roque sa Northern Samar; Calbiga at City o Catbalogan sa Samar.

Naramdaman ang Intensity II sa Malinao at Tobaco City sa Albay; Borongan City, Eastern Samar; Babatngon, Dagami, Dulag, Palo, Santa Fe at Tanauan Leyte, Tacloban City sa Tacloban; at San Antonio, Northern Samar.

Umabot naman sa Intensity I ang naramdaman sa Alangalang, City of Baybay at Tabontabon sa Leyte.