Default Thumbnail

5 kasapi ng NPA, sumuko sa Batangas police

May 13, 2023 Jojo C. Magsombol 173 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas ­– Boluntaryong sumuko ang limang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa magkakasanib na puwersa ng kapulisan sa Camp Colonel Jose P. Razon, Barangay Bilaran, Nasugbu, Batangas Biyernes ng umaga.

Ayon sa report ni Batangas police director P/Col. Pedro D. Soliba kay PRO (Police Regional Office) Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Regional Director Police Brig. Gen. Carlito Gaces, sumuko ang mga suspek 10:40 ng umaga, Mayo 12 at sinasabing kasapi ng Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA at iba pang grupo.

Sila ay sumuko sa pinagsamang tauhan ng 2nd Batangas Provincial Mobile Force Company (BPMFC), Provincial Intelligence Unit (PIU)-Batangas, Batangas Police Provincial Office (BPPO), Calatagan Municipal Police Station (MPS), Provincial Intelligence Team (PIT) Batangas, Regional Intelligence Unit (RIU) 4A, Provincial Intelligence Division (RID) 4A, 403rd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion (RMFB)4A, PNP Maritime Group Nasugbu sub-station, 59th Infantry Battalion, 2ID, PA, ACCS-2, AETDC, PAF, FSSOL 301st SMG PAF sa Camp Colonel Jose P. Razon, Barangay, Bilaran, Nasugbu, Batangas.

Gayundin, isinuko nila ang baril na Smith at Wesson caliber .38 revolver na walang serial number na puno ng anim na bala, dalawang piraso ng 40mm grenade, walong pirasong detonating cord, isang piraso ng blasting cap, ammonium nitrate, isang fuel oil (ANFO) at mga wire.

Dagdag pa, ang mga nagsisuko ay kasalukuyang nasa ilalim ng tiwala at pangangalaga ng 2nd BPMFC para sa pag-proseso at dokumentasyon pati na rin sa pagpapadali ng kanilang aplikasyon sa E-CLIP program ng pamahalaan.

AUTHOR PROFILE