Gem Gem Castillo-Amante and Ding Santos

4th AmerAsia International Awards night tagumpay

April 30, 2023 Eugene E. Asis 842 views

NAGING isang malaking tagumpay ang 4th AmerAsia International Awards night na ginanap sa Celebrity Centre sa Hollywood noong isang linggo. Ang naturang award-giving body, na pinamumunuan ni Don Alfred Yumul, ay nagbibigay-karangalan sa mga deserving Filipinos mula sa iba’t ibang sector.

Ilan sa Pinoy celebrities na binigyang-parangal ngayong taong ito ay kinabibilangan nina Carina Afable, Rey ‘PJ’ Abellana, Klaudia Koronel, Bryan Termulo, Enzo Morales, Gem Castillo-Amante at iba pa.

Sa larangan ng entertainment journalism, isang karangalan na nakasama kami ng kaibigang Cristy Fermin.

Hindi nakadalo sa naturang awards night sina PJ at Cristy, pero nagpadala naman sila ng video na nagsasaad na buong puso at karangalan nilang tinatanggap ang kanilang respective award.

Dahil karamihan sa awardees ay nakabase na sa Los Angeles, California, tuwang-tuwa ang namumuno sa AmerAsia na si Don Alfred Yumul dahil personal na dumalo mula Pilipinas si Gem Castillo-Amante na dating miyembro ng That’s Entertainment (Wednesday edition) ni German ‘Kuya Germs’ Moreno. Bagama’t nasa ibang kategorya (2023 Most Outstanding Filipino in Humanitarian Service), malapit pa rin sa loob ni Gem na butihing maybahay ngayon ni San Pablo City Mayor Vicente Amante, ang showbusiness. Kilala rin bilang recording artist, nahilingan si Mayora Gem ni Don Alfred na umawit ng ‘Lupang Hinirang’ sa pagbubukas ng programa kasama ang dati namang Starbrighter member na si Ding Santos.

Naging reunion din ang awards night para kina Mayora Gem at Klaudia na malapit na magkaibigan.

Carina mahusay pa rin sa edad na 79

Carina
Carina Afable in the 70s
Carina1
Carina Afable today

SAMANTALA, sa edad na 79, nagpakita pa rin ng husay bilang performer si Carina Afable na isa sa mga sikat na mang-aawit at komedyante sa Pilipinas noong 1960s hanggang 1970s. Nagkaroon siya ng ilang TV shows at pelikula bago pumunta ng Amerika noong panahon ng Martial Law sa Pilipinas. Nagkaroon siya ng break sa Hollywood at nakalabas sa TV series na Barney Miller noong 1980s. Nakagawa rin siya ng ilang TV commercials dito. Sa ngayon, bagama’t masasabing retired na, nagpi-perform pa rin siya sa ilang shows, lalo na sa Filipino community.

Pamangkin niya si Ryan Agoncillo na anak ng kanyang kapatid na si Chito.

Pagkatapos ng AmerAsia awards night, kasama ring nag-perform si Carina sa concert ni Bryan Termulo kinabukasan ng gabi sa parehong venue, ang Celebrity Center sa Hollywood.

Dating sikat na aktres nagtatrabaho bilang caregiver

NAKAKAAWA ang nangyari sa isang dating sikat na aktres sa Pilipinas na ngayon ay naka-base na rito sa Amerika.

Matagal na siya rito at dito na rin sila naghiwalay ng mister niya na isang businessman sa Pilipinas.

Nagkaroon siya ng ilang business dito, pero dahil sa pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot at sugal, nawala lahat ang kanyang mga negosyo.

Ngayon ay nagtatrabaho siya bilang isang caregiver. Wala naming masama sa trabahong ito. Maayos naman daw ang kanyang trabaho, napupuri ng mga inaalagaan pero hanggang ngayon, Filipino time pa rin ang kanyang pinaiiral. Dahil dito, nagagalit sa kanya ang mga nagiging karelyebo.

Maganda pa rin ang aktres, at gusto ring bumalik sa pag-arte. Yun nga lang, wala naming paraan sa ngayon para magawa niya ito.

Sayang ang malalaking pagkakataon na hindi niya naalagaan.

AUTHOR PROFILE