Acorda

48 active, potential PAGs mino-monitor ng PNP

May 22, 2023 Zaida I. Delos Reyes 198 views

TATLONG aktibong private armed groups (PAGs) at 45 potential PAGs ang mino-monitor ng Philippine National Police (PNP) bilang paghahanda sa nalalapit ng Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa darating na Oktubre.

Ayon kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr., patuloy ang ginagawang monitoring ng PNP upang matiyak ng ligtas at mapayapa ang darating na BSKE.

“The PNP is also continuously monitoring the activities of three active private armed groups and 45 potential PAGs that may mobilize for the 2023 barangay and SK elections in October,” pahayag ni Acorda.

Sa panig naman ni PNP-Public Information Office (PIO) chief P/Brig. Gen. Redrico Maranan, paiiralin ng PNP ang “intelligence-driven law enforcement operation” laban sa PAGs kasama rito ang pag-aresto at pagkumpiska sa kanilang mga armas.

“Kung sa pagtaya ng ating mga ground commander ay kailangan magkaroon ng search warrant operations para makuha natin ‘yung iligal na armas sa kanilang pag-iingat,” paliwanag ng opisyal.

“Kung sila naman ay may warrant of arrest, ‘yung mga members ng PAGs na ‘yan, ay huhulihin natin ‘yan,” dagdag pa ni Maranan.

Palalakasin din aniya ng PNP ang kanilang operasyon laban sa illegal firearms sa pagsisimula ng election period.

“Sisiguruhin natin sa susunod na eleksyon ay magiging tahimik at mapayapa,” pahayag ni Maranan.

Naunan nang inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na handa na ang kanilang hanay sa BSKE 2023 sa Oktubre 30.

Tinatayang nasa 92 million ballots umano ang magagamit sa nasabing darating na eleksyon na nai-imprenta na nitong Mayo 10.