Default Thumbnail

45 ‘nalason’ sa ‘pastel’ mula sa food stall

June 7, 2023 Edd Reyes 262 views

UMABOT sa 45-katao na pawang residente ng Upper Bicutan ang isinugod sa pagamutan matapos makaramdam ng sintomas ng pagkalason sa kinaing pagkain mula sa food stall Martes ng gabi sa Taguig City.

Kaagad inatasan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang Incident Management Team at ang City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CEDSU) ng City Health Office na gumawa ng mabilisan at kaukulang aksiyon upang masigurong lahat ng mga biktima ay mapagkakalooban ng agarang lunas.

Nagtayo rin kaagad ang Upper Bicutan Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRRMO) ng Incident Command Post na layuning pagkalooban ng atensiyong medical ang mga residenteng nakaranas ng sintomas ng pagkalason sa pagkain bagama’t kalaunan ay isinara na rin makaraang malapatan ng lunas ang lahat ng mga nakaranas ng sintomas ng pagkalason.

Sa inisyal na ulat na nakarating sa tanggapan ni Mayor Lani, 16 na residente ng naturang barangay ang naisugod sa Taguig-Pateros District Hospital kung saan apat sa kanila ang agad ding napauwi, pito naman ang dinala sa iba’t-ibang pagamutan, kabilang ang tatlo na nakauwi na rin kaagad ng bahay habang 22 naman ang nabigyan ng atensiyong medikal ng itinayong Incident Command Post.

Napag-alaman na nagsimulang makaranas ang hindi magandang pakiramdam ang mga residenteng kumain umano ng pastel sa isang food stall sa Valdez St. sa naturang barangay bandang hapon ng Martes habang ang ilan ay dumanas pa ng pananakit ng tiyan, pananakit ng ulo at pagsusuka kaya’t kinailangan nilang isugod sa mga pagamutan,

Matapos ang insidente, kaagad na ipinasara ng City Health Office ang food stall na pinagbilhan ng pagkaing pastel at mananatili itong sarado habang hindi natatapos ang isinasagawang imbestigasyon.

Sinabi ng Taguig Public Information Office (PIO) na kumuha na ng bahagi ng pastel at iba pang panindang pagkain ang CEDSU na itinitinda ng naturang food stall upang masuri habang nagsasagawa na rin ng pagsusuri sa tubig na ipinapainom sa mga customer ang Sanitation Office, maging ang kinukuhanang tubig sa bahay ng may-ari ng food stall.

“We conducted food traceback and an environmental survey to assess sanitation standards. We will discuss our findings with our City Health Office for recommendation and action,” ayon kay CEDSU head Dr. Jun Sy.

Ayon sa PIO, ang lahat ng posibelng tulong ay ibibigay ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa mga pasyenteng nananatili pa rin sa pagamutan habang may medical team rin mula sa City Health Office na umiikot sa lahat ng nakauwi ng pasyente upang tingnan pa rin ang kanilang kalagayan.

AUTHOR PROFILE