Accident

4 batang magkakapatid tigok sa dump truck

November 24, 2023 Bernard Galang 252 views

‘Kolong-kolong’ inararo ng truck

MALAGIM na kamatayan ang sinapit ng apat na batang magkakapatid habang malubha naman sa pagamutan ang kanilang ama, makaraang maararo ng isang dump truck ang kanilang sinasakyang “kolong-kolong” sa Porac, Pampanga noong Huwebes.

Batay sa ulat ng Porac police kay Police Regional Office 3 Director, Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., ang mga nasawi ay nasa edad na 10, walo, anim at dalawang taong gulang.

Isinugod naman sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital ang ama ng mga biktima na nagtamo rin ng labis na sugat sa katawan.

Lumilitaw sa imbestigasyon na sakay ang mga bata ng “kolong-kolong” na minamaneho ng kanilang ama. Sila ay patungo sa direksiyon ng bayan ng Porac nang pagsapit sa Porac-Angeles Road ay binangga sila ng forward truck.

Sa lakas ng impact ng aksidente, tumilapon ang “kolong-kolong” sa kabilang linya ng kalsada at naararo ng paparating na dump truck.

Dead on the spot ang apat na bata sa tindi ng pinsalang inabot.

Isa sa mga biktima ang pumailalim sa truck na naging dahilan ng pagkadurog ng katawan nito, habang ang iba ay halos magkalasug-lasog din ang katawan dahil sa aksidente.

Ang ama ng mga bata ay isinugod naman sa ospital para malapatan ng kaukulang lunas sa mga sugat na tinamo.

Sa ngayon, hawak na ng pulisya ang driver ng truck at nahaharap ito sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at physical injury.

Humihingi naman ng hustisya ang ama ng mga bata sa sinapit ng kaniyang mga anak.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. Nina BERNARD GALANG & ZAIDA DELOS REYES

AUTHOR PROFILE