Default Thumbnail

4-anyos nahulog sa 27th floor ng condo, patay

April 9, 2024 Zaida I. Delos Reyes 95 views

PATAY ang isang 4-anyos na batang lalaki matapos na mahulog sa ika-27 palapag ng isang condominium sa Lahug , Cebu City.

Naganap ang insidente sa isang condominium na matatagpuan sa La Guardia extension, Lahug, Cebu City.

Batay sa inisyal na ulat ng Cebu City Police, iniwan ng kanyang ina ang bata na natutulog sa loob ng kanilang condominium para kumuha ng kape dakong 6:00 ng umaga.

Gayunman, sa hindi malamang dahilan ay nahulog ang biktima at lumagapak sa canopy sa ikatlong palapag ng condominium.

Agad namang isinugod sa pagamutan ang biktima subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Sa ngayon, hinihintay pa ng mga imbestigador ang kopya ng CCTV footage upang malaman kung ano ang tunay na nangyari at kung ano ang dahilan ng pagkahulog ng biktima.

Nangako rin ang management ng gusali na magsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.

Tiniyak din ng mga ito na mahalaga sa kanila ang kaligtasan ng kanilang mga residente at bisita.

“The safety and well-being of our residents, visitors, and staff have always been of paramount importance to us, and we are fully cooperating with the condominium corporation and authorities in their investigation into the matter.”- pahayag ng management ng condominium.