Default Thumbnail

3oo Badjau nailigtas sa Tondo

November 13, 2022 Edd Reyes 269 views

UMABOT sa 300 mga Badjau o “Indigenous People” ang nailigtas ng pinagsanib na puwersa ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station-1 at opisyales ng barangay sa isinagawang operasyon Sabado ng gabi sa Tondo, Manila.

Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng inilabas na Executive Order ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan na “Oplan Sagip Kalinga ng Ina ng Maynila” makaraang makatanggap ng reklamo si MDSW Director Asuncion “Re” Fugoso kaugnay sa pagdagsa ng mga Badjau na bumabalik sa lungsod sa tuwing magpa-Pasko upang mamalimos sa mga pangunahing lansangan na karaniwang gamit pa ang kanilang sanggol bilang pagmamakaawa

Ipinadala naman ni Director Fugoso sa tanggapan ni ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay, Jr., ang hepe ng MPD Station-1, upang pangasiwaan ang pagliligtas sa mga Badjau.

Sa isinagawang rescue operation, natuklasan nina Director Fugoso at Col. Ibay na kinukupkop ng ilang mga residenteng hindi taal na taga-Maynila sa Barangay 123 sa Tondo ang mga Badjau kapalit ng sinisingil na P50.00 kada ulo isang araw.

Sa ginawang pagtaya ni Col. Ibay, kumikita ang mga residenteng naniningil ng upa sa pananatili ng mga Badjau sa lugar ng tinatayang P450,000 kada isang buwan.

“Yung mga kumukupkop, hindi talaga mga taga-Maynila ang mga yan, dumayo lang at nang makapag-settle dito sa Claridel na kilalang squatters area, sila naman ang nagrenta sa mga Badjau,” pahayag ni Col. Ibay

Sa gitna ng pagsagip sa mga Badjau, natuklasan ng MDSW at pulisya ang nakakarimarim na kondisyon sa naturang lugar na inuupahan ng mga Badjau dahil kahit saan na lamang ay itinapon nila ang kanilang mga dumi na panganib din sa kalusugan ng mga mamamayan sa lugar.

Sinabi pa ng mga opisyal ng MDSW na nalalagay sa panganib ang buhay ng mga Badjau, lalu na ang mga bata, dahil posibleng mabundol sila sa ginawang pagsalubong sa mga paparating na sasakyan sa kalsada para manghingi ng limos.

Nilinaw naman ng MDSW na hindi isinasailalim sa diskriminasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang mga Badjau subalit dahil sa nilalabag nila ang umiiral na Ordinansa ng lungsod at maging ng Pambansang Batas na nagpaparusa sa mga magbibigay at tumatanggap ng limos, kinakailangan lamang na iligtas at ibalik sila sa kani-kanilang mga lalawigang pinanggalingan.

Ayon kay Col. Ibay, dinala nila ang mga nailigtas na Badjau sa Delpan Complex sa Binondo upang alamin ang kanilang pinanggalingang lugar, suriin at isailalim sa antigen test bago sila mapabilang sa “Oplan Balik-Proinsiya Program” ng lokal na pamahalaan.

Idinugtong pa ng opisyal na noong kasagsagan ng pandemya ng taong 2021, may 340 na mga Badjau na biktima ng human trafficking ang kanilang nailigtas matapos makatanggap ng impormasyon ang Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Camp Crame kaugnay sa pagdating ng mga Badjau mula sa Mindanao na sakay ng barko sa Manila North Port Port.

Ang impormasyon ay ipinarating aniya ng PNP sa tanggapan ni dating Mayor Isko Moreno na siyang nag-utos sa kanya, bilang hepe ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT), na isagawa ang pagsagip, kasama ang mga tauhan ng Manila Health Department na pinamumunuan ni Dr. Arnold “Poks” Pangan, PNP Maritime Group at Philippine Coast Guard.

AUTHOR PROFILE