Love

3-day Halal Tourism Expo simula sa Hunyo 14

June 13, 2024 Jonjon Reyes 97 views

SIMULA na sa Hunyo 14 ang 3 araw na Halal Tourism and Trade Expo ng Department of Tourism (DOT) sa Quantum Skyview, Upper Ground B, Gateway Mall 2 sa Araneta City, Quezon City.

Sinasabing focal initiative ng DOT ang festival na nagbibigay-diin sa mga direksyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang turismo ng Pilipinas para sa lahat ng relihiyon.

Sa ilalim ng gobyernong Marcos, binibigyang-pansin ang magkasunod na panalo ng bansa bilang isang Emerging Muslim-Friendly Destination (Non-OIC country) sa Halal in Travel Awards 2023 at 2024.

Magsisilbing forum ang expo upang ipagdiwang ang kapangyarihan ng halal na paglalakbay at pagsasama-samahin ang mga internasyonal na eksperto at destinasyon sa isang event.

Bilang pagkilala sa pandaigdigang mga pattern at hilig ng mga Muslim tourists at travelers, binanggit ni Kalihim Cristina Garcia Frasco ang walang tigil na pagsisikap na ituloy ang mga sustainable tourism initiatives na may kahalagahan sa pagkakataong matugunan ang Middle Eastern at ang BIMP-EAGA Market ng bansa.

May kanya-kanyang tema ang tatlong araw ng expo. Nakatuon ang unang araw sa pagpo-promote ng halal at nagtatampok ng mga talakayan tungkol sa mga hakbangin at uso sa turismo.

Sa ikalawang araw, pag-unawa sa mga kinakailangan sa certifications na kumokontrol sa mga operasyon ng mga negosyong pang turismo ang sentro.

Sa huling araw, pararangalan ang Halal Gastronomy Tourism na nagpapakita ng masaganang culinary heritage at paglalakbay mula sa Mindanao sa pamamagitan ng live cooking demonstration ng ilan sa mga chef sa larangan ng Halal cuisine.

AUTHOR PROFILE