Frasco GOOD TOURISM NUMBERS – Makikita si Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco na masaya sa magandang datos ng tourism industry simula pa noong 2023.

Tourism industry lumikha ng 6.21M trabaho noong ‘23

June 19, 2024 Jonjon Reyes 174 views

PINATIBAY ng industriya ng turismo ang financial standing ng Pilipinas dahil nakapagtala ang tourism industry ng 6.21 milyong trabaho noong 2023, napakalapit sa 6.3 milyong target sa taong iyon.

Base sa data ng Philippine Tourism Satellite Account (PTSA) ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong Hunyo 18, lumaki ng 6.4 porsiyento ang trabahong nalikha sa mga industriyang may kinalaman sa turismo mula 5.84 milyon noong 2022 sa 6.21 milyon noong 2023.

Nagbigay din ng pinakamataas na paglago ang turismo bilang isang industriya batay sa ulat na may 8.6 porsiyentong bahagi ng gross domestic product (GDP) ng bansa.

Ang Tourism Direct Gross Value Added (TDGVA) ay humataw sa P2.09 trilyon noong 2023, ang pinakamataas mula nang simulan ng PSA ang pag-compile ng datos noong 2000.

Tumutukoy ang TDGVA sa kabuuang halaga na idinagdag ng mga industriya ng turismo at iba pang industriya ng ekonomiya na direktang nagsisilbi sa mga bisita.

Sinabi ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco na ang paglago sa turismo ay patunay sa pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang prayoridad ang sektor ng turismo.

Samantala, base sa PTSA report, tumaas din ang domestic tourism expenditure ng 72.3 porsiyento mula P1.55 trilyon noong 2022 hanggang P2.67 trilyon noong 2023.

Samantala, ang outbound tourism expenditure ay nagtala ng 10 porsiyentong growth rate mula P189.29 bilyon noong 2022 hanggang P208.25 bilyon noong 2023.

AUTHOR PROFILE