Default Thumbnail

2nd phase ng 1Bataan Village nakakasa na — Mayor Garcia

April 10, 2024 Christian D. Supnad 101 views

LUNGSOD NG BALANGA, Bataan — May nakahanda ng lupa para sa pagtatayuan ng second phase housing project na tinawag na 1Bataan village.

Ito ang sinabi ni Mayor Francis S Garcia matapos pangunahan noong Martes ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ceremonial turnover ng 216 na pabahay sa mga Bataeñong na inilikas mula sa kahabaan ng ilog ng Talisay sa lungsod ng Balanga.

Sinabi ni Garcia na ang mga proposed sites ng karagdagang 1Bataan housing project ay magagandang lugar at accessible sa palengke at highway.

Sila (216 pamilya) ngayon ay residente na ng 1Bataan Village sa Barangay Tenejero, Balanga na bahagi ng malawakang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (4PH) ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Pinasalamatan din nina Gov. Joet S. Garcia at Cong. Abet S Garcia ang pangulo sa suporta nito sa mga proyekto lalo na sa housing projects sa Bataan.

Binigyang diin naman ng Pangulo na hindi lamang pagkakaloob ng bagong bahay ang tinupad ng pamahalaan.

“Bahagi ng katungkulan natin na mailikas muna sa delikadong lugar tulad ng daluyan ng ilog. Nagsikap po ang gobyerno na mabigyan sila ng maayos at ligtas na tahanan na matatawag nilang sarili,” aniya.

Ang Phase 1 ng 1Bataan Village ay aabot sa 216 na mga bagong tayong yunit ang maaari nang tirahan. Matatagpuan ito sa anim na tatlong palapag na gusali na may tig-36 yunit
ang bawat isa.

May laking 27 metro kuwadrado ang isang yunit na may dalawang kwarto, sala, kusina, palikuran at labahan. Kumpleto ito sa linya ng kuryente at suplay ng malinis na tubig.

Nagkakahalaga ang proyektong ito ng P259.9 milyon na bahagi ng P250 bilyong inilaan ng Pag-IBIG Fund para sa 4PH ng administrasyong Marcos habang ang pinangasiwaan ng National Housing Authority ang pagtatayo ng mga istraktura.

Ipinaliwanag ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na ang 1Bataan Village ay isang modelo ng tunay na kahulugan ng konsepto ng human settlement na bukod sa pabahay, pinapatayuan din ito ng mga pasilidad na tutugon sa pangunahing pangangailangan ng mga magsisitira.

Kaugnay nito, ibinalita ni Mayor Francis Anthony Garcia na mayroon ding itinayo ang pamahalaang lungsod na isang Community Center sa loob ng 1Bataan Village na nagkakahalaga ng P15 milyon.

Pinagsama-sama sa pasilidad na ito ang Health Center, Day Care Center, Barangay Learning Hub, tanggapan ng magiging Homeowners’ Association, at satellite offices ng pamahalaang lokal.

Nagpatayo rin ang pamahalaang lungsod ng isang apat na palapag na gusaling pampaaralan na may 20 mga silid-aralan na nagkakahalaga ng P58 milyon mula sa Special Education Fund.

Iba pa rito ang Water Supply Project Phase II na inilagay ng Department of Public Works and Highways sa halagang P4.8 milyon.

Samantala, umaasa si Governor Jose Enrique Garcia III na ang 4PH ang tutugon sa nasa 60 libo pang kailangang mapagkalooban ng pabahay sa lalawigan.

Bukod sa itinayong 1Bataan Village sa Barangay Tenejero, mayroon ding ginagawang Mt. Samat Ville sa Barangay Upper Tuyo sa lungsod din ng Balanga na ilalaan para sa mga kasundaluhan at kapulisan.

Mayroon ding 1Bataan Village sa Barangay Daan Pare sa bayan ng Orion at Mariveles Heights sa Barangay Cabcaben sa bayan ng Mariveles.