Default Thumbnail

2 suspek sa pambubugaw ng bagets tiklo; 8 nailigtas

March 4, 2024 Jonjon Reyes 68 views

NATIMBOG ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang indibidwal na suspek sa pambubugaw ng mga menor-de-edad para maging sex worker sa isang bar sa Concepcion, Tarlac.

Nahaharap sa kasong Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, Qualified Trafficking at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sina Josie Hipolito Quilantang, alyas Mommy Sandra, at Angelita Quilantang Mallari alyas Ate Angie, ayon NBI–Human Trafficking Division (NBI-HTRAD).

Una rito, dumulog ang isang ina sa tanggapan ng Social Service Department-Sagip ng Muntinlupa City kaugnay sa nawawala niyang 15-taong gulang na anak na babae.

Napag alaman ng ina na na-recruit bilang sex worker sa Black Bar Grill sa Concepcion, Tarlac ang anak niya.

Ipinag paalam ng kaibigan ng biktima sa ina nito na magkakatrabaho sila dahil sa inaalok ni Mommy Sandra.

Dahil dito agad na nag sagawa ng plano ang NBI at naglatag ng entrapment para matiklo ang itinuturong mga bugaw.

Doon na inaresto sina Mallari na manager ng bar na nahuli sa akto na nag-aalok ng menor de edad na kababaihan para sa sexual services.

Sa follow up operation, naaresto si Quilantang na positibong kinilala ng mga biktima na may-ari ng bar at nangangasiwa sa kanila.

Nasagip din ng mga operatiba ang walo pang biktima na menor de edad pa ang lima.

AUTHOR PROFILE