Default Thumbnail

12 Crew, 15 pasahero nailigtas sa naanod na bangka

December 3, 2022 Zaida I. Delos Reyes 232 views

NAILIGTAS ng Philippine Navy sa tulong ng Maritime Command Center (MCC) sa probinsya ng Tawi-Tawi at ng kanilang Malaysian counterpart na MCC-Tawau ang 27 indibidwal na lulan ng naanod na wooden-hulled vessel na may bandila ng Pilipinas.

Ayon kay Naval Forces Western Mindanao (NFWM) information officer Lt. Sr. Grade Chester Ross Cabaltera, ang mga biktima na kinabibilangan ng 12 crew at 15 pasahero ay lulan ng M/L Laiza 1 na nakitang lumulutang sa coast ng North Borneo.

Napag-alaman na ang M/L Laiza 1 ay umalis sa Bongao nitong nakalipas na Nobyembre 26 patungo sa Turtle Islands, subalit hindi ito nakarating sa kaniyang destinasyon at idineklarang nawawala.

Ayon sa ulat, nagkaroon ng engine malfunction ang vessel kung kaya’t naanod ito ng apat na araw at apat na gabi sa gitna ng dagat.

“The missing report emanated from PCG (Philippine Coast Guard) Sub-station Bongao and subsequently forwarded to MCC Tawi-Tawi, who coordinated to MCC Tawau,” pahayag ni Cabaltera.

Agad na nagsagawa ng joint search and rescue operation sa Turtle Islands ang kinauukulan subalit hindi nila agad natagpuan ang nawawalang bangka.

Nakita ang M/L Laiza 1 nitong Nobyembre 30 ng Malaysian counterpart na MCC-Tawau at agad na itinawag sa MCC-Tawi-Tawi kung kayat agad na kumilos ang Naval Task Group at idineploy ang BRP Florencio Iñigo upang iligtas ang mga biktima.

Ang mga biktima ay dinala sa Lamion wharf sa Bongao kung saan sila nilapatan ng paunang lunas, binigyan ng damit at pagkain, bago iturnover sa Tawi-Taai provincial government.