
Yassi, binansagang ‘Queen of the Barangay’ … aktres, 2023 Calendar Girl ng Ginebra
KALIGA na ni Yassi Pressman ang kapwa-showbiz celebrities na sina Marian Rivera, Anne Curtis, Solenn Heussaff, Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at Sanya Lopez matapos ipakilala sa isang grand reveal mediacon bilang Ginebra San Miguel Calendar Girl para sa taong 2023.
“Honestly, Ginebra San Miguel’s Calendar Girl for 2023 was a dream I never thought I’d imagine. I am so honored and I am so proud to be here, thank you so much!” bungad na pagbati ng Viva Artists Agency talent kasunod ng elaborate dance production number.
Level up si Yassi dahil hindi na lang “Queen of the Dance Floor” ang bansag ngayon sa kanya dahil bilang miyembro ng GSM family, tinagurian na rin siyang “Queen of the Barangay.”
“Sa tingin ko, napili ako ng Ginebra San Miguel dahil nakita nila sa akin ‘yung tapang, passion at ‘yung ‘never-say-die’ na spirit. Kung ikaw ay lumaki sa showbiz, makakaranas ka ng maraming pagtanggi at masasakit na komento galing sa mga tao, ngunit kailangan na ‘wag itong pansinin lalo na ang mga hindi makakatulong na kritisismo,” ani Yassi.
Aminado ang aktres na pisikal at mental ang ginawa niyang paghahanda bilang pinakabagong mukha ng GSM.
Nariyang sumailalim siya sa weight training, boxing at mas naging conscious pa sa pagiging healthy eater.
“Ang aking fitness journey ang tumulong sa akin upang ako’y maging mas masiglang bersyon ng aking sarili,” paliwanag ni Yassi, na bilang “Queen of the Barangay” ay ipinakilala rin bilang isang modernong Filipina na kayang sumabay sa hamon ng “new normal.”
Anim ang layout ng sexy calendar ni Yassi na hango sa inspirasyon ng anim na cocktail mixes ng GSM: Ang Ginsu Mix, Calamansi Surprise, Kula-Orange Fizz, Velocity Mix, Sky Prisma at Mango Daiquiri.
Pag-amin ng aktres, paborito niya ang Velocity Mix dahil meron daw itong candy at gummy bear na perfect dahil sa magkahalong sweetness at sipa.
Ayon sa mga taga-GSM, ang 2023 calendar ang unang beses nilang magkaroon muli ng location shoot. Simbolo raw ito ng pagnanais nilang maging normal at mas maayos na ang sitwasyon at tuluyan nang mawala ang virus sa susunod na taon.
Dagdag pa ni Ron Molina, brand marketing manager, “Ito ang unang beses na nagkaroon ng face-to-face event mula magsimula ang pandemya.
“Kami ay nasasabik na magkaroon ng live launch ang Ginebra San Miguel 2023 Calendar Girl. Para sa amin, ang launch na ito ay siyang hudyat sa magiging tema sa paparating na taon. Maraming Pilipino ang naapektuhan ng pandemya pero ito na ang panahon upang tayo’y bumangon muli – na mayroong ‘Bagong Tapang’ upang mangarap at umasa, at maghandog ng positibong pananaw sa iba.”
Ang Ginebra San Miguel Inc. (GSMI) ang producer ng Ginebra San Miguel. Bukod sa Ginebra San Miguel. Ito rin ang gumagawa ng GSM Blue Light Gin, GSM Blue Mojito, GSM Blue Margarita, GSM Blue Pomelo, Ginebra San Miguel Premium Gin, 1834 Premium Distilled Gin, Antonov Vodka, Anejo Gold Rum, Primera Light Brandy at Chinese wine na Vino Kulafu.