Default Thumbnail

Wanted na sundalo arestado, timbog pa sa gun ban

February 23, 2022 Edd Reyes 286 views

ARESTADO ang isang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nahaharap sa kasong kriminal matapos mamataan ng pulisya malapit sa kanyang tirahan Martes ng gabi sa Caloocan City.

Bukod sa kinakaharap na kasong paglabag sa R.A. 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act, karagdagang paglabag din sa Omnibus Election Code ang kakaharapin ni PFC Michael Fulgar, 42, miyembro ng Philippine Army at nakatalaga sa 2nd Infantry Division ng CAFGU Active Auxiliaries (CAA) makaraang mahuli habang nakasukbit ang baril sa baywang malapit sa kanyang bahay sa P. Zamora St. Brgy. 19 dakong alas-8:30 ng gabi.

Sa ulat ni District Special Operations Unit (DSOU) chief P/Lt. Col. Jay Dimaandal kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Jose Hidalgo, nakatanggap sila ng impormasyon na namataan sa malapit sa kanilang bahay sa P. Zamora ang wanted na sundalo na may nakabimbing warrant of arrest na inilabas ni Judge Teodoro Nablo Solis ng Fourth Judicial Region (RTC), Biñan Laguna nito lamang Enero 4, 2022 sa kasong paglabag sa R.A 9262 na may inirekomendang piyansang P72,000.

Sa pangunguna ni P/Capt. Meliton Pabon, kasama ang mga tauhan ng DSOU at Regional Mobile Force Battalion, nagsagawa sila ng palihim na pagmamanman sa naturang lugar at nang mamataan ang akusado, kaagad na isinilbi sa kanya ang warrant of arrest.

Nakumpiska kay Fulgar ang isang Glock .9mm pistol na kanyang service firearm na may magazine na kargado ng 14 na bala at tatlo pang extrang magazine na may tig-14 ding bala.

AUTHOR PROFILE