Default Thumbnail

Walang maisulat

February 20, 2023 Allan L. Encarnacion 263 views

Allan EncarnacionALAS singko pa lang ng madaling araw, binuksan ko na ang aking ipad para tumingin ng mga balita at anumang kaganapan dito sa atin hanggang sa iba’t ibang panig ng mundo.

Pagkasiging sa umaga, matapos ang morning prayer at pagsisipilyo, dumeretso na agad ako sa kitchen para uminom ng isang baso ng tubig. Tsaka pa lang ako magpapakulo ng tubig na siya namang gagamitin ko sa pagtimpla ng ginger brew o salabat.

Palipat-lipat ng mga pahina ng mga local at internatiol news sites, paminsan-minsan sisipat sa FB baka may mga bagong gimik ang mga kaibigan at ka-Marites natin.

May mga interesting news locally pero parang walang bago. Titingin sa intertional news site baka makapulot ng ibang istoryang masarap basahin. Iyon nga, ang Macau pala ang number one ngayon sa mga 5-star hotels sa buong mundo. May bago palang bukas na Londoner Hotel sa Cotai Strip na ginaya ang Big Ben scene.

Habang nagbabasa ng mga balita, patingin-tingin sa oras dahil kukulitin na naman ako ng aking misis na magbihis na ng pang-jogging para makaalis na kami paputang QC Circle. Pumapalo na ang orasan sa alas-singko beinte singko ng umaga, tanghali na yun kaya pinaspasan ko ang pagbabasa at isinabay ko na ang pagkain ng isang lakatan na saging tapos nagmamadaling uminom na naman ng kakahating baso ng tubig.

Nagmaneho na papuntang circle pero habang nasa biyahe ay humirit naman ang ambon na lalong nagpalamig sa paligid. Mabuti na lang sweat suit na may hood ang gamit namin sa jogging time kaya tuloy lang ang takbo kahit hinahampas ng mahinang ulan ang aking mukha.

Marami pa rin ang dumating sa circle kahit umaambon pero sumisilong na ang iba habang kami’y patuloy sa paglalakad kahit nanabasa nang husto ang sementong aming dinadaanan. Si misis, doon na sa stage sa harap ng fountain nagluksong lubid habang ako naman ay patuloy sa paglalakad.

Aambon, titigil sandali tapos aambon na naman. Natapos ang isa’t kalahating oras ng paglalakad at takbo sa maulang umaga. Alas siyete y medya ng umaga, uwian na. Maneho na naman pauwi sa mahinang ulan.

Pagdating sa bahay, iyong usual routine na. Magbababad ng mga pinagpawisan namin si misis at ako naman ang maghahanda ng almusal. Pandesal, peanut butter, keso at spread plus melon and kape. Areglado na naman ang agahan.

Balik ako sa favorite rocking chair ko sa room, bukas na naman ng ipad, tingin na naman ng mga balita baka may bago. Sa FB, iba’t ibang pagbati ng mga kaibigan at kamag-anak sa may birthday na mahal nila sa buhay at iyong iba naman nagdadalamhati dahil sa pagpanaw ng kaanak. Condolence po.

May mga cooking tips, may mga payabang sa mga bago nilang gamit, may pasiklab din sa simple nilang ulam or alak na ininom with pulutan na mamahaling mani. Silip sa messenger, may mga pagbati ng magandang umaga, may religious quotation at kung minsan, nagbebenta ng kung anu-ano.

Binalikan ko ang mga news sites, walang bago. Naghahanda na kami para umalis at ma-avail ang GC sa spa ng bigay ng aming anak at manugang noon pang isang taon pero nitong Sunday lang namin magagamit.

Lahat ng news site binuksan ko na naman, wala akong magustuhang isulat, naghahanap ng topic na parang masarap talakayin pero wala akong makita. Naisiop ko, tinatamad na akong magsulat dahil wala akong makitang isyu na puwedeng talakayin.

Mabuti pa, huwag na muna akong magsulat.

Dahil wala nga akong maisulat, iyong na mismo ang ginamit kong topic ngayon para lang mayroon akong maisulat.

Kaysa naman walang maisulat?

[email protected]