Default Thumbnail

ICC walang puwang sa Pilipinas

February 20, 2023 Paul M. Gutierrez 430 views

PaulSI Pang. Bongbong Marcos (PBBM) na mismo ang nagsabi na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas para imbestigahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa naging madugong laban kontra iligal na droga sa bansa. Ayon pa sa Pangulo, banta ang ICC sa ating soberanya.

Alam naman nating lahat na ang pakana na imbestigahan si dating Pangulong Duterte ay upang mapatalsik siya noon sa puwesto dahil umano sa paglabag nito sa karapatang pantao gawa ng war on drugs na nagresulta sa pagkamatay ng may higit 6,000 drug users, pushers at drug lords.

Kaya ito naging kontrobersyal ay dahil naging matibay si dating Pangulong Duterte na sugpuin ang malalang problema ng bansa pagdating sa droga. Kung hindi naging matigas ang dating Pangulo ay halos maging narco-state na ang Pilipinas dahil maging sa gobyerno ay nakapenetrate ang mga sindikato ng droga.

Hindi natin makakalimutan ang katapangan ni dating Pangulong Duterte nang pangalanan niya ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na sangkot umano sa droga. Maging ang mga politikong nasa posisyon ay hindi sinanto ng dating Pangulo.

Dahil iyon sa kaniyang political will na masugpo ang problema sa droga ng ating bansa. Alam niyang hindi uubra ang malambot na pagtugon sa problemang ito.

At nakita naman nating lahat kung paano ito naging epektibo sa ating bansa. Nakita nating kung paano din kusang sumuko ang libu-libong nagtutulak at gumagamit ng droga. Nakita natin kung paano nananahimik ang mga komunidad na dati-rati’y pinamumugaran ng mga adik.

Kapansin-pansin din kung paano nananahimik ang ating mga lansangan at pagbaba ng kriminalidad.

Ginawa ito ni dating Pangulong Duterte dahil alam niyang kailangang masugpo ang problema na ito ng bayan at sa kaniyang intensiyon na magkaroon tayo ng kapanatagan na mawala ang takot natin sa droga o mga adik.

Kaya naman kahit na pambabatikos ang kaniyang inabot hanggang sa pagkakaso sa kaniya ay hindi nagpatinag ang dating Pangulo sa kaniyang prayoridad ng kaniyang administrasyon.

Sabi niya na kaya niyang harapin ang ikakaso sa kaniya o ihahatol sa kaniya ng lokal na hukuman pero hindi kailanman sa korte ng mga dayuhana. Isang malaking insulto ito sa judicial system ng Pilipinas kung dayuhang korte ang gagawa nito sa pinakamataas na opisyal ng ating bansa.

Kaya naman tama lamang ang naging pahayag ni PBBM na walang hurisdiksyon at walang puwang ang ICC na panghimasukan ang Pilipinas. Walang karapatan ang ICC na magsabi kung sino ang kriminal o sino ang inosente sa ating mga Pilipino.

Dahil alam natin natin ang gusto ng mga ito na impluwensiyado ng mga imperyalistang bansa gaya ng Estados Unidos. Gusto nilang magluklok ng pangulo na madali nilang magawang papet at sunud-sunuran para lamang malabanan ang China.

Iyan ang tunay na layunin ng mga iyan. At ngayong wala na sa Malakanyang si dating Pangulong Duterte. Gagamitin itong muli para mabuhay ang isyu at magawang makapanghimasok sa atin ang ICC.

Kung manguari ito, asahan na hindi na titiial ang mga iyan na makialam pa sa iba pang usapin ng ating bansa.

Kaya naman sa umpisa pa lamang ay hindi na dapat talagang payagan ang ICC na makialam dito.

Gayundin, sana ay maipagpatuloy ni PBBM ang nasimulan ni dating Pangulong Duterte sa laban kontra droga dahil malaki ang posibilidad na kung magiging malambot o malamya ang pagtugon sa problemang ito ay muling makabuwelo ang mga sindikato.

Ayaw nating masayang ang magandang nasimulan sa pagsugpo ng iligal na droga sa ating bansa.

Opps! Tinatawagan din pala natin ng pansin si SOJ Boying Remulla at PAO chief, Atty Persida Acosta, hinggil sa “pakiusap” ng pamilya ni Marcial Bacudo Ocampo (Prison No. N211P-1291), nakakulong ngayon sa Muntinlupa Medium Security Compound.

Sa kanila kasing “pagkuwenta,” batay sa kanyang naging sentensiya, Bossman Boying, aba’y “sobra-sobra” na umano ang kanyang inilagi sa kulungan na lampas 18 taon na umano ngayon!

Nabigyan naman sila ng pag-asa at lakas ng loob na muling makakasama pa ang kanilang mahal sa buhay dahil nga isa sa mga naging magandang polisiya ngayon ng DOJ ay ang agarang pagpapalaya sa mga bilanggong nakapatagal nang nakakulong, katulad ni Mr. Marcial Ocampo.

Anong sey mo, Bossman Boying at Atty, Acosta? Hindi naman siguro “kalabisan” ang hiling nilang ito, hindi ba?

Abangan!

AUTHOR PROFILE