Default Thumbnail

Walang face mask pinaghuhuli sa QC

May 7, 2021 Melnie Ragasa-limena 302 views

Nagsagawa ng operasyon ang District Public Order and Safety (DPOS) at Task Force Disiplina sa Quezon City at pinaghuhuli ang may 50 residente na naaktuhang walang suot at mali ang pagsuot na facemask.

Ang operasyon ay ginawa ng lokal na pamahalaan bilang tugon sa direktiba ni Pang. Rodrigo Duterte dahil na rin sa dami ng mga pasaway.

Nitong Biyernes ng umaga ay unang pinuntahan ng mga awtoridad ang NIA road, at inikutan ang Cambridge, Mega Qmart at Arayat Market sa Cubao.

Wala nang warning warning sa mga pasaway at agad tiniketan ang nasa 50 residente. Sinubukan pang magpalusot ng ilang violators pero hindi ito kinagat ng mga pulis.

Ilan sa mga naging palusot ng violators ay nakalimutan kaya walang facemask, habang ang iba ay kakakain lamang, maninigarilyo at umiinom ng softdrinks. P300 pesos ang multa ng mga lumabag.

Apela naman ni Nilo Baguio, OIC Enforcement Officer ng DPOS, makinig sa panawagan ng gobyerno at sumunod sa mga health protocols para mapigilan ang paglala ng pandemya.

Tiniyak naman ng DPOS na tuloy tuloy sila sa pagsasagawa ng ganitong operasyon.

Matatandaang nitong Miyerkules ng gabi ay inatasan ni Pang. Duterte ang mga pulis na ikulong at imbestigahan ang mga taong hindi nagsusuot o hindi maayos ang pagkakasuot ng face masks sa mga pampublikong lugar.