Kulong

Vietnamese nat’l timbog sa shabu

November 23, 2023 Edd Reyes 217 views

ARESTADO ang isang Vietnamese national nang pagbentahan ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer noong Miyerkules sa Paranaque City.

Ikinasa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque police ang drug operation laban sa Vietnamese na si alyas Le matapos ang mahigit isang linggong surveillance at monitoring ng pulisya.

Sa report ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, hinuli ng pulisya si Le nang tanggapin ang P34,000 marked money kapalit ng limang gramo ng shabu dakong alas-8:45 ng gabi sa Macapagal Boulevard, Brgy. Tambo.

Bukod sa ibinentang droga, nakuha rin ng pulisya sa dayuhan ang 18 tableta ng hinihinalang ecstasy na nagkakahalaga ng P30,600, tatlong gramo ng shabu na may halagang P15,000, dalawang Vietnamese ID at isang alien ID, markadong pera at cellular phone.

Nakakulong sa custodial facility ng Parañaque Police Station ang Vietnamese habang inihahanda ang isasampang kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act sa kanya.

AUTHOR PROFILE