Servo

Vice Mayor Yul Nieto susuportahan lahat ng programa ni Mayor Honey

July 5, 2022 Edd Reyes 678 views

NANGAKO si Manila Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto na susuportahan ang lahat ng mga pangunahing programa ni Mayor Honey Lacuna-Pangan kabilang rito ang pagpapalago ng ekonomiya, pagpapaunlad ng buhay, kalusugan, kalinisan, kaaayusan at katahimikan.

Sa kanyang pagsasalita sa pagbubukas ng sesyon ng ika-12 Sangguniang Panlungsod ng Maynila, hiniling din niya sa 38 mga konsehal na makiisa sa kanya sa pagsuporta sa layunin ng kanilang alkalde Mayor Honey Lacuna na maisulong ang mga programa at proyektong napasimulan nila ni dating Mayor Isko Moreno Domagoso na lahat ay makakatulong sa bawat mamamayan ng lungsod.

“Atin ding suportahan ang mga programang isusulong ng ating Mahal na Mayor Honey Lacuna. Mga programang pang-ekonomiya, pang-kalusugan, pangkabuhayan, pangkalinisan at pangkatahimikan. Dalhin natin ang ating mahal na lungsod sa liwanag ng kasaganahan at dalhin natin ang bawat Manilenyo sa maayos na daan ng kaginhawahan at kapanatagan,” pahayag ng bise alkalde.

Ayon sa kanya, ngayong tapos na ang halalan, hinimok niya ang mga kasama niya sa Konseho ng Lungsod na maghain ng panibagong “COC” – pero hindi ito ang “Certificate of Candidacy” kundi ang kahulugan nito ay “Compassion, Obligation at Commitment”.

“Bigyan natin ng awa ang ating nasasakupan, gampanan natin ng maayos ang ating tungkulin at maging totoo tayo sa ating mga pangako,” pahayag pa niya.

Hinimok din niya ang mga konsehal na gamitin ang “COC” bilang pamantayan ng kanilang paglilingkod sa mamamayan ng Maynila, pangaraping magkaroon ng maayos na buhay ang bawat Manileño at maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng kanilang isusulong na ordinansa.

Tulad aniya ng ginawa ng nakaraang administrasyon, ito ang naging sandalan ng kapanatagan ng bawat Manileño kaya nararapat lamang na maipagpatuloy ang lahat ng ito upang maiahon nila ang maraming mamamayan sa pagkakalugmok dulot ng nakalipas na pandemiya.

“Kaya to all councilors, you are obligated to submit your priority ordinance that will be more beneficial to every Manileños,” saad pa ng bise alkalde.

Nangako rin si Vice Mayor Nieto na ipagpapatuloy ang kanyang adhikain na makapag-aral ang bawat batang Maynila at maipagpatuloy ang pagkakaloob ng buwanang allowance na P1,000 sa bawat estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UdM), pati na ang P500 allowance sa mga estudyante ng K-12 sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.

“Sa ngayon, ang layunin ng tambalang Honey-Yul, katuwang ang bawat miyembro ng Sangguniang Panlungsod, na kami ay mag-aabot ng serbisyong ramdam ng bawat Manileño ng walang pinipiling antas ng pamumuhay,” dagdag pa niya.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, hindi niya kinaligtaang pasalamatan sina dating Vice Mayor Danny Lacuna, dating alkalde Mayor Isko Moreno at ang ninong niyang si City Administrator Bernie Ang na siyang humimok at sumuporta sa kanya upang pumasok sa larangan ng serbisyo-publiko.

Maging si Mayor Honey Lacuna, ang kanyang ama na si Glenn Martin Romano Nieto, asawa at mga anak na kasama niya sa hirap at ginhawa ay kanya ring pinasalamatan sa suportang ipinagkaloob na kanya.

“Alam ko na isang malaking responsibilidad ang pagsilbihan ang buong Maynila. Alam ko rin na ang yapak na aking susundan ay hindi biro, napakagaling, nakakatakot, nakaka-nerbiyos. Pero sabi niya (Mayor Honey Lacuna), hindi niya ako iiwanan at gagawin niya raw akong magaling na vice mayor ng Maynila,” sabi pa ng bise alkalde.

AUTHOR PROFILE