Valeriano

Valeriano nananawagan kay PBBM na maprotektahan MC riders

August 3, 2023 Mar Rodriguez 229 views

NANAWAGAN ang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang maprotektahan ng pamahalaan ang mga motorcycle riders laban sa sinasabing hindi makataong patakaran na ipinatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Nauna rito, umapela si Congressman Valeriano sa MMDA na magkaroon kahit kaunting konsiderasyon para sa mga motorcycle riders na pansamantalang sumisilong sa ilalim ng mga tulay, underpass at footbridges sa panahon na bumubuhos ang malakas na ulan sa Metro Manila.

Hindi naging katanggap-tanggap kay Valeriano ang ibinabang kautusan ng MMDA na sisimulan na umano nila ang panghuhuli sa mga motorcycle riders na mag-iipon ipon o magkukumpulan sa ilalim ng mga tulay, underpass at footbridges kahit pa napakalakas ng buhos ng ulan sa Kalakhang Maynila.

Ang katuwiran ng MMDA ay maaaring maging sanhi ng aksidente o sakuna sa kalsada ang pagkukumpulan ng mga motorcycle riders sapagkat posible umano silang mabangga o mahagip ng iba pang motorista katulad ng mga sasakyan at truck.

Dahil dito, nakikiusap na si Valeriano kay Pangulong Marcos, Jr. upang mamagitan at kausapin ang MMDA na ipatigil ang implementasyon ng kanilang kautusan sa pamamagitan ng pagpapataw ng multa laban sa mga motorcycle riders na sumisilong sa ilalim ng mga underpass, tulay at footbridges.

Hinihiling ng kongresista sa Pangulo na tulungan ang mga motorcycle riders laban sa hindi makatarungang kautusan ng MMDA sapagkat magsisilbi lamang bilang dagdag na pahirap para sa mga MC riders ang pagpapataw sa kanila ng multa sa halip na maghanap ng solusyon ang MMDA.

Muling binigyang diin ni Valeriano na lalong malalagay sa tiyak na peligro ang mga MC riders kung hindi sila papayagan ng MMDA na pansamantalang sumilong sa ilalim ng mga tulay, underpass at footbridges dahil maaari silang maaksidente sakaling bumiyahe sila habang dumadaluyong ang napakalakas na buhos ng ulan sa Metro Manila.

Ipinaliwanag pa ng mambabatas na hindi kagustuhan ng mga riders na makaabala sa mga kapwa nila motorista. Subalit napipilitan lamang aniya silang sumilong para maiwasan nila ang aksidente at para sila’y hindi magkasakit na mistulang hindi naman nauunawaan ni MMDA Chairman Romando “Mando” Artes.

AUTHOR PROFILE