Bong

TV special ng 50th anniversary ni Sen. Bong, iere sa GMA

October 4, 2023 Ian F. Fariñas 242 views

Ipapalabas sa Sabado, Oktubre 7, 8 p.m., sa GMA 7 ang TV special sa ika-50 anibersaryo ni Sen. Bong Revilla sa showbiz.

Ginanap ang selebrasyon sa Okada Manila noong Setyembre 25, mismong birthday ni Sen. Bong.

Dumagsa ang sikat na showbiz at political personalities sa selebrasyon na may temang ‘Idol ko si Bong’. Liban sa programa, nagkaroon ng display ng memorabilia mula sa kanyang mga pelikula.

Dagsa rin ang media na nag-cover sa mga celebrity na rumampa suot ang kani-kanilang gown at tuxedo.

Pagpasok sa venue, sumalubong ang mga banda at kilalang singers na umawit habang hindi pa nagsisimula ang pagdiriwang na dinaluhan ng mahigit 1,000 katao kabilang ang mga senador at congressman.

Maraming masasayang nangyari — lalo na ang presentasyon ng pamilya, mula sa mga anak hanggang sa mga apo na naghanda ng kakaibang presentasyon para kay Sen. Bong.

Glamorosa ang pagdiriwang — pag-aasikaso at pagsalubong sa mga artista at pulitiko at iba pang mga namumuno sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

“Nagpapasalamat ako kina Boss Vic del Rosario at Direk Carlo J. Caparas para sa aking unang starring role; kay Mother Lily Monteverde, at producers na nagtiwala; sa aking mga naging direktor sa mahigit 100 pelikulang aking nagawa; sa GMA 7, lalo na kina Sir Felipe Gozon, Sir Jimmy Duavit, Annette Gozon at Joey Abacan, na sumugal sa akin para pumasok sa telebisyon; at sa mga nakasama kong mga artista na naghatid ng kasiyahan sa mga manonood,” ani Sen. Bong.

Pinasalamatan din niya ang lahat ng leading ladies niya, mga tao sa likod ng kamera — scriptwriters, staff at crew, stuntmen, production designers at effectsmen, PR at AdProm; kasama na ang showbiz editors at writers.

Dumalo ang malalaking bituin — Maricel Soriano, Erik Matti, Boss Vic, Marlon Bautista, Roselle Monteverde, William Lao, Mac Alejandre, Annette Gozon-Valdez, Lolit Solis, Jay Santiago, Felipe Gozon, Ronald Asinas, Beauty Gonzales, Sunshine Cruz, Jean Garcia, Ara Mina, Sanya Lopez, Rochelle Pangilinan, Rabiya Mateo, Tirso Cruz III, Christopher de Leon, Gardo Versoza, Roi Vinzon, Nino Muhlach, Betong Sumaya, Long Mejia, Ogie Diaz, Jillian Ward, Robin Padilla, Philip Salvador, Jinggoy Estrada, Lorna Tolentino, Amy Austria, Isabel Rivas, Iza Calzado at marami pang iba.

Nagpadala naman ng video greetings sina Dingdong Dantes, Judy Ann Santos, Aiko Melendez, Regine Velasquez, Vilma Santos, atbp.

Hindi nagpatalo ang tila hindi tumatandang maybahay ni Sen. Bong na si Lani Mercado-Revilla sa napakagandang gown, na sumayaw at naghandog din ng maraming awitin. Pinalakpakan nang husto ang duet nila ni Sen. Bong.

Ilan pa sa mga dumalo sina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Senate President Juan Miguel Zubiri.

AUTHOR PROFILE