Allan

Tutukan din ang domestic business

February 14, 2024 Allan L. Encarnacion 116 views

SAPUL tayo sa paglalatag ng argumento ni UP Professor emiritus at former National Security adviser Clarito Carlos sa pagdinig ng economic Cha-cha ng komite ni Senador Sonny Angara.

Ang buod ng pagdinig ay naglalayong mapagtibay ang resolusyon ng dalawang kapulungan para sa pag-amyenda ng Saligang Batas na ang sentro ay ang pagbubukas ng 100% ownership ng mga dayuhang negosyante dito sa ating bansa.

Ibig sabihin, kung ang isang foreign company ay magbukas ng negosyo rito, hindi na niya kailangan ng Filipino partner. Puwede na niyang solohin sa lahat ng aspeto ng negosyo mula sa puhunan hanggang sa hire and fire ng mga tao at sa iba pang sistema ng kompanya ayon sa kanyang gusto at kapritso.

Sa ngayon, ang pinapayagan ng ating batas ay 60% locally owned at 40% foreign owned.

Mahaba-haba na rin ang inuman natin sa isyu na yan na nagsimula sa People’s Initiative o PI hanggang sa humantong sa joint resolution No. 6 ng Senado at Kongreso para sa panukalang pag-amyenda sa ating Konstitusyon.

Simple lang ang argumento ni Prof Carlos, ang layuning pagbubukas ng 100% business sa mga dayuhan ay hindi umaangkop sa tunay na buhay o totoong nangyayari dito sa atin.

Sa halip na tumutok sa mga foreign investors, bakit hindi umano natin tulungan ang mga domestic business dito sa atin?

Natumbok ni Prof Carlos. Sa totoo lang, ang tindi ng reklamo ng mga local na negosyante sa pahirap sa kanila sa lahat ng aspeto ng pagbubukas ng kanilang negosyo. Mabibilang mo dito sa daliri ang local na pamahalaang totoong nagpapairal ng ease of doing business—baka Quezon City at Taguig City lang ito nangyayari sa totoong buhay.

Sa ibang lokal na pamahalaan, maduduwal ka sa bulok na sistemang pinapairal bago makakuha ng busines permit. First hand ito na reklamong dumaratiing sa atin na sa tuwing mag-apply sila ng busines permit, building permit at kung anu-ano pang permit, sangkatutak na kotong ang kanilang inaabot.

Ang mas masakit, bago ka magpunta sa mga city hall or munisipyo, may mga clearance ka pang kailangang kunin sa barangay. At hindi walk in the park ang dadaanan mo sa barangay. May mga barangay na mas matindi pa mangikil kaysa sa mga tiwali sa city hall.

Madalas, kailangan mo ng halos 26 signatures kung saan-saang departamento ng city hall bago ka maaprubahan sa business permit na kinukuha mo.

Ito ang sinasabi ni Professor Carlos, masyadong malayo ang ating tingin kung foreign investment ang ating hinahabol. Kung mapapairal lang natin ang sinasabi ni Pangulong BBM na “ease of doing business”, mas maraming local business ang uusbong kahit saang parte ng ating bansa.

Mas mapapasigla pa nito ang ating ekonomiya at magkakaroon ng trabaho ang marami nating mga kababayan nang hindi tayo umaasa sa dayuhang mamumuhunan.

[email protected]