Nilulutong Caloocan City Police District (CCPD), naihain na sa Napolcom
MALAKING pagbabago sa sitwasyon ng kaayusan at katahimikan ang mangyayari sa Lungsod ng Caloocan sa oras na maging hiwalay na distrito ang kapulisan dito tulad sa Maynila at Quezon City.
Bukod kasi sa karagdagang puwersa ng kapulisan, magkakaroon din ng maraming units ang punong tanggapan at dagdag na Police Stations na pamumunuan ng P/Lt. Colonel na mangangasiwa naman sa mga police detachment o Police Community Precinct.
Kapag nangyari na ito, magiging anim na ang bilang ng distrito ng kapulisan sa Metro Manila, kabilang ang Manila Police District (MPD), Quezon City Police District (QCPD), Southern Police District (SPD), Eastern Police District (EPD), Northern Police District (NPD), at Caloocan City Police District (CCPD).
Siyempre, kailangang pamunuan ng isang P/Brigadier General ang CCPD at hindi naman malayong ma-promote sa naturang ranggo si P/Col. Ruben Lacuesta, ang kasalukuyang Chief of Police ng lungsod dahil sapat ang kanyang kuwalipikasyon patunay ang nakamit niyang mga pagkilala at parangal, kabilang ang pagiging Best Police Station sa NCR at pinakamaraming matagumpay na operasyon laban sa mga wanted na kriminal, ilegal na droga at pagkumpiska sa milyon-milyong halaga ng shabu.
Ang kulang na lang pala para maging isang hiwalay na distrito ang kapulisan ng lungsod ay ang pagpabor ng Napolcom sa rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) at National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sa katunayan, ngayon pa lang ay tila inihahanda na nina Mayor Along Malapitan at Cong. Oca Malapitan na maging isang CCPD ang kanilang kapulisan dahil pinondohan na ng mag-ama ang pagtatayo ng apat na palapag na modernong gusali na magiging punong himpilan ng pulisya at isa pang tatlong-palapag na gusali para naman ng Caloocan Fire Department.
Hindi malayong maglayasan na sa Caloocan ang mga drug pushers at mga kriminal sa oras na maging isang Police District ang kapulisan sa lungsod dahil sa paglobo ng bilang ng kapulisan at mga tanggapang tutugis sa kanila.
Magkapatid na Tiangco, kinilala at pinarangalan ng RPMD
ISANG pagbati sa magkapatid na Navotas Cong. Toby at Mayor John Rey Tiangco sa pagkakamit nila ng parangal mula sa RP-Mission and Development Foundation, Inc. (RPMD) bilang Outstanding Public Servants sa taong 2023.
Ibinatay ng RPMD ang paggawad ng parangal sa magkapatid sa suporta ng mamamayan na nasiyahan at nag-aproba sa kanilang dedikasyon at pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan.
Lagi kasing nangunguna sina Mayor John Rey at Cong. Toby sa pag-uusisa o survey na regular na ginagawa ng RPMD kaugnay sa pagsusulong ng pananagutan, transparency at epektibong pamumuno.
Pinasalamatan naman ng alkalde ang naging kontribusyon ng mga opisyal at empleyado ng lokal na pamahalaan dahil sa mataas na kalidad ng serbisyong ginagawa nila, kasabay ng pagpapayo na pagbutihin pa ang kanilang trabaho para mapataas pa ang kalidad ng kanilang serbisyo.
Sabi naman ni Cong. Toby Tiangco, ang natanggap na parangal ay tagumpay rin ng mga Navoteños, kasabay ng katiyakang ipagpapatuloy niya ang pagsusulong pa ng mga proyekto, programa at mga panukalang pakikinabangan ng lahat na mamamayan.
Naniniwala naman si RPMD Executive Director Dr. Paul Marinez na may mahalagang papel ang pagtutulungan ng magkapatid sa pag-unlad ng lungsod na kanilang magiging pamana at mananatiling nakatatak na sa mamamayan sa mga susunod pang panahon.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]