Default Thumbnail

Transport groups, Magnificent 7 kay PBBM, Bautista: Salamat sa extension

March 1, 2023 Jun I. Legaspi 932 views

MARIING nagpaabot ng pasasalamat ang transport groups sa pangunguna ng tinaguriang Magnificent 7 kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Transportation Secretary Jaime “JJB” Bautista sa pamamagitan ng Land Transportatiion Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil inappruban ang extension hangang December 31, 2023 ang phaseout ng traditional jeepneys.

Ayon kay Roberto “ka Obet” Martin, spokesperson ng M7 at national president ng PASANG-MASDA, sa pamamagitan ng kanilang masusi at maigting na pulong kay Atty. Teofilo Guadiz III, Chairman ng LTFRB, ay may nagbungang magandang resulta.

“Mula po sa bumubuo ng M7 kabilang ang ALTODAP, FEJODAP, PISTON, ACTO, STOP&GO, LTOP at UV Express kasama ang Bicol Region, maraming salamat po mahal naming President Ferdinand Marcos Jr.,” saad ng M7.

Nagpasalamat din sila sa panawagan ni Sec. Bautista at nakinig naman ang lahat ng grupo maging ang LTFRB matapos ang mahaba at maigting na closed-door meeting Miyerkules.

Ayon sa mga napagkasunduan magtutulungan ang transport groups lalo ang M7, LTFRB at DOTr upang maging maayos ang transistion period kapwa ng Public Utility Vehicle Modernization Program at ang isyu sa phaseout ng traditional jeepneys hanggang maayos ang mga concerns dito.

Sa hiwalay na pahayag, nanawagan din si Zaldy Ping-Ay, kasama ng M7 at national President ng Stop&Go sa ibang transport group na pakinggan muna ang inilatag na mga plano ng LTFRB at huwag unahin ang bugso ng damdamin at pansariling interes.

Ayon kay Ping-Ay, marami nang naibigay na magandang biyaya ang modernization program sa pangunguna ng LTFRB at marami pa itong ibibigay sa hinaharap at sa kasalukuyang.

Ayon sa ibang miyembro ng M7, hindi sila nakonsulta kaugnay sa planong isang linggong tigil pasada ng ibang transport group bilang protesta sa nalalapit na phaseout ng traditional jeepney sa June 30, 2023.

Umaasa ang M7 na maayos na mareresolba ang mga isyu tungkol sa modernization at phaseout ng traditional jeepney kung patuloy ang maayos na paguusap ng lahat ng partido kasama ang gobyerno, saad ni Martin.

AUTHOR PROFILE