Knife

TOMBOY SINAKSAK LALAKING KASAMA NG NOBYA, DEDO!

May 13, 2023 Edd Reyes 865 views

SELOS ang nakikitang motibo sa ginawang pananaksak ng isang tomboy sa lalaking nahuli niyang kasama ng kanyang kasintahan sa loob ng tinutuluyan nilang condominium Biyernes ng gabi sa Las Piñas City.

Sa nakarating na ulat sa tanggapan ni Southern Police District Director P/BGen. Kirby John Kraft, dakong alas-11:30 ng gabi nang madatnan ni Erica Galasinao, 32, project engineer at residente ng Alabang, Almanza I, ang biktimang si John Patrick Bencio sa loob ng tinutuluyan nilang condominium ng kanyang kasintahang si Czarina Celestine Yapit sa One Premium Condominium sa Concha Cruz, Almanza I, na dahilan upang magkaroon ng pagtatalo ang suspek at biktima.

Sa gitna ng mainitang pagtatalo, naglabas ng patalim si Galasinao at inundayan ng saksak ang lalaki na tumama sa tiyan ng biktima.

Tila nahimasmasan naman si Galasinao sa ginawang pananaksak nang makita ang duguang biktima kaya’t siya na rin mismo ang nagsugod sa lalaki sa Asian Hospital subalit patay na nang idating sa naturang pagamutan.

Itinawag naman ng security officer ng Asian Hospital sa Las Piñas Police Sub-Station 5 ang pagdadala ng suspek sa nasawing biktima sa naturang pagamutan kaya’t kaagad na nagresponde sina P/Cpl. Brannard Castañeda at P/Cpl. Latoja na silang dumakip kay Galasinao.

Kasalukuyang naka-detine sa Sub-Station 5 ng Las Piñas police ang suspek habang inihahanda na ang kaukulang kasong isasampa laban sa kanya sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE