Tolentino

Tolentino sa mga PH mangingisda: Mag-ingat sa paglalayag sa WPS

June 16, 2024 People's Tonight 74 views

PINAYUHAN ni Sen. Francis “Tol” Tolentino ang mga mangingisdang Pilipino na mag-ingat sa kanilang paglalayag upang mangisda, matapos sabihin ng China na sisimulan na nitong arestuhin at ikulong ang mga mangingisda sa loob ng 60 araw nang walang paglilitis kapag nahuli sa loob ng inaangkin nitong teritoryo na sumasaklaw sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Tolentino na ang mga Filipino law enforcers ay nagpapatrolya noon sa Bajo de Masinloc, kung saan maraming dayuhang mangingisda, kabilang ang mga Chinese at Vietnamese, ang kanilang inaresto dahil sa illegal poaching. Ang nasabing teritoryo ay tradisyonal na lugar ng pangingisda ng Pilipinas.

“And now it is the other way around. We will be detained for 60 days without trial. Yesterday, I had a meeting with Secretary Manalo of the Department of Foreign Affairs, that if the Chinese arrest and detain Filipino fishermen, this will be the highest level of aggression against us,” ani Tolentino.

Sinabi ni Tolentino, Senate chairman ng special committee on maritime and admiralty zones, na hindi malinaw kung saan dadalhin ng mga Chinese ang mga aarestuhing mangingisdang Pilipino, sa kanilang barko o sa China, para ikulong kung sakaling magkatotoo ang kanilang mga banta.

Sinabi ni Masinloc Mayor Arsenia Lim ng Zambales, kung saan karamihan sa mga mangingisda ay nangingisda sa Bajo de Masinloc, na pahayag na pinayuhan niya ang mga mangingisda mula sa kanyang bayan na iwasan ang mga lugar na posibleng maharap sa panganib.

Sinabi ni Lim na ang mga mangingisda mula sa bayan ng Masinloc ang higit na mahihirapan dahil kalahati ng kanilang mga huli ang mawawala sa banta ng China na ipatutupad ang kanilang lokal na batas sa South China Sea (SCS).

Sinabi niya na ang mga namuhunan sa payao (fish aggregating device) ay hindi makababawi sa kanilang kapital na hindi bababa sa P100,000 para sa bawat (payao) naka-deploy sa mga tradisyonal na lugar ng pangisda sa Bajo de Masinloc.

Sinabi ni Tolentino na hinihikayat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang mga mangingisdang Pilipino na ipagpatuloy ang paglalayag at igiit ang kanilang mga karapatan sa mga fishing ground sa WPS.

Nagtakda si Tolentino ng mga pagpupulong sa DFA hinggil sa pagpapatupad ng tinatawag na domestic law ng China, na aniya ay katumbas ng pagsuko ng ating tradisyonal na fishing grounds sakaling kilalanin ito ng gobyerno ng Pilipinas.

Ayon kay Tolentino, sang-ayon siya sa pangamba ni Mayor Lim kung saan bibisitahin ang mga mangingisda na makukulong dahil ang Vienna Convention on Consular Relations ang gumagabay sa tanggapan ng konsulado kung saan bibisita ang kanilang mga mamamayan habang nakakulong sa mga dayuhang teritoryo.

“If Bajo de Masinloc is a Philippine territory, the Vienna Convention would not apply because it is ours. It will only apply if it is outside our territory,” paliwanag niya.

Binigyang-diin ni Tolentino na ang paglalapat ng Vienna Convention ay magpapahiwatig na kinikilala ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc bilang isang dayuhang teritoryo kung sakaling may maganap na pag-aresto.

AUTHOR PROFILE