Tiangco1

Tiangco nalugod sa dagdag allowance ng mga guro

August 8, 2024 Ryan Ponce Pacpaco 245 views

PINURI ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang nilagdaang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Kabalikat sa Patuturo Act na magkakaloob ng kabuuang P10,000 allowance sa mga guro ng pampublikong paaralan.

Ayon kay Tiangco, patuloy na humaharap sa mahirap na hamon ng buhay ang mga guro kaya’t malaking tulong sa kanila ang karagdagang allowance habang ginagampanan ang kanilang tungkulin bilang mga edukador. “Malaking tulong itong additional allowance na pwede nilang magamit para sa mga paunang gastusin sa pagbubukas ng klase,” sabi ng kongresista.

Ang benepisyo aniyang nakapaloob sa batas ay naglalayong mapagaan ang bigat sa gastusin na may kaugnayan sa kanilang mga gamit sa pagtuturo at iba pang mga pinagkakagastahan sa paaralan.

“Mahirap na trabaho ang pagiging teacher kaya ang nais natin ay mapalawak ang mga benepisyong natatangap nila mula sa gobyerno para maibsan ang mga alalahanin nila at talagang mas maka-focus sa pagtuturo sa mga estudyante,” dugtong pa niya.

Binigyang diin pa ni Rep. Tiangco na ang allowance, batay sa nakasaad sa batas, ay papapaliwin din sa iba pang kawani ng mga pampublikong paaralan.

“Hindi lang teachers ang makikinabang dito, kundi pati mga guidance counselors, librarians, vocational instructors, pati na rin mga Mobile teachers at mga nasa Alternative Learning Systems,” sabi ng kongresista.

Batay sa nakasaad sa nalagdaang IRR, tatanggapin ng mga guro ang inisyal na allowance na P5,000 sa school year 2024-2025 at magiging P10,000 na sa mga susunod na taon.

“This additional benefit for public school teachers underscores the administration’s commitment to enhancing educator welfare. President Marcos has consistently outlined his policy goals to improve public education, and I fully support crafting meaningful legislation that expands teachers’ benefits and ensures quality education for all Filipino students.,” pagwawakas ng pahayag ni Rep. Tiangco. Nina RYAN PONCE PACPACO & EDD REYES

AUTHOR PROFILE