Default Thumbnail

Tamang pagpapatupad ng Rizal Law

June 19, 2021 Magi Gunigundo 826 views

Magi GunigundoSA ating paggunita sa 160 taon anibersaryo ng pagsilang ni Dr. Jose P. Rizal, napapanahon na magkaroon ng masusing pag-aaral kung gaano kahusay ang pagtuturo ng mga guro sa buhay, mga gawa at nobela ni Rizal sa mga paaralan, kolehiyo at pamantasan bilang pagsunod sa RA 1425 o Rizal Law.

Maliwanag sa RA 1425 na mayroon tatlong bagay na dapat mangyari: 1) kailangan kasama sa kurikulum sa lahat ng antas ng edukasyon ang buhay, gawa at mga nobela ni Rizal; 2) lahat ng silid-aklatan ng paaralan ay kailangan may sapat na sipi ng orihinal na bersyon ng Noli at Fili; at 3) obligasyon ng Board of National Education (ngayon ay DepEd at CHED) na ipasalin sa English, Filipino at iba pang wikang gamit ng mga Pilipino ang dalawang nobela.

Ang DepEd ay may D.O. 6 Series of 1995 at D.O. 33 Series of 1996 na sinasali si Rizal sa kurikulum sa Sibika at Kultura, Heograpiya, Kasaysayan at Sibika, Edukasyon sa Wastong Pag-uugali at Communication Arts. Ang CHED naman ay may Memo 3 Series of 1995 na pinapaaalahan ang lahat ng kolehiyo at pamantasan na ipatupad ang RA 1425.

Maaaring kasali sa kurikulum si Rizal subalit naituturo ba ng maayos si Rizal ng mga guro? Baka hanggang “lower order thinking” lamang ang pagtuturo nila tulad ng pagkakabisa ng mga petsa, angalan at lugar ng pangyayari sapagkat kulang ang oras para magkaroon ng aktibidades o pagsasanay ang mga estudyante sa “higher order thinking” gamit ang “ Structure of Observed Learning Outcomes”( SOLO) ni Biggs at Collis(1982) o kahit man lamang ng Bloom Taxonomy ( 1956).

Bagamat kathang isip lamang ang Noli at Fili, ito ay sumasalamin sa kanser ng lipunan ng Pilipinas ng panahon iyon na patuloy na nagsisilbing balakid sa ating hakbang patungo sa kaunlaran. Hindi po ba’t marami pa rin mga Sisa ngayon na nilalapastangan ng asawa at walang mahingan ng tulong para magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang bunsong anak, si Crispin, sa kamay ng mayordomo ng pari? Hindi ba’t marami pa rin mga Juli ngayon na imbes tulungan, ay pinagsasamantalahan ng may kapangyarihan tulad ng sex maniac na Padre Camorra? Makakabuo ng ganyang mga tanong ang mga estudyante gamit ang SOLO. Sa takbo ng pangyayari, nakakabagot si Rizal kaya mas gugustuhin pa ng mga bata na mag-ubos ng oras sa Mobile Legend, Call of Duty, at mga anime sa Netflix.

Mayroon bang sapat na mga resources ang guro upang maging kumpleto at balanse ang pagtingin sa pagkatao ni Rizal? Maliban pa sa mga nilinis na bersyon ng Noli at Fili , hindi ba’t mainam mapanood ng mga estudyante ang mga pelikula ni Gerry de leon: Sisa ( 1951) na tampok si Anita Linda bilang Sisa; Noli Me Tangere ( 1961) na tampok sila Eduardo del Mar bilang Crisostomo Ibarra, Edita Vital bilang Maria Clara,at Leopoldo Salcedo bilang Elias; El Filibusterismo ( 1962) na tampok sila Pancho Magalona bilang Simoun, Robert Arevalo bilang Basilio, Charito Solis bilang Juli. Sinubukan ko hanapin sa Youtube ngunit walang full movie version dito. Nakakatuwa naman sapagkat may mga pangkat ng kabataan na lumikha ng sariling pelikula ng El Fili at mayroon din animated na bersyon.

Maliban pa sa mga ito, may mga pelikula rin tungkol sa buhay mismo ni Jose Rizal na ginawa sila Butch Nolasco, Pen Medina at Joonee Gamboa(1996); Tikoy Aguiluz, Albert Martinez at Amanda Page( 1997); Marilou Diaz-Abaya at Cesar Montano ( 1998) at Ricky Davao at Joel Torre (1999) at isang dokumentaryo ni Paolo Abella na pinalabas sa VIMEO (2012). Mas madaling matuto ang bata kung may napapanood ang mga ito kesa binabasa lamang si Rizal.

Hindi uubrang pagkabisa lang ng petsa ng kapangakan at kanyang kamatayan ang kailangan malaman ng mga bata kay Rizal. Dapat din nilang maiugnay ang sunod-sunod na pangyayari mula 1896-1901. Kailangan silang hikayatin bumuo ng tanong bakit imbes na magkaisa ang mga Pilipino pagkaraan patayin ng mga Kastila sa Bagumbayan si Rizal noon Disyembre 30,1896, ay pinatay pa si Andres Bonifacio ng mga sundalong Pilipino pagkaraan ng ilang buwan lamang noon Mayo 10,1897 sa Cavite at si Heneral Antonio Luna sa Cabanatuan noon Hunyo 5,1899? Ito ba ay bunga ng korapsyon, politika, at kawalan ng kakayahan mamuno? Ano ang papel ng oligarkiya noon panahong iyon at ano ang papel nila sa kasalukuyan? Mangyayari lamang iyan kung may higher order thinking skills ang mga estudyante.

Madaling malaman kung mayroon sapat na sipi ng Noli at El Fili sa mga silid aklatan. At lalong madaling malaman kung naisalin na ba ang Noli at El Fili sa 170 mga wikang Pilipino. Huwag daanin lang sa daldal, dagdagan ang gawa DepEd at CHED!!!

AUTHOR PROFILE