Default Thumbnail

Suicide case ng HS student isinara na

January 24, 2023 Edd Reyes 239 views

ISINARA na ng pulisya ang imbestigasyon sa napaulat na pagpapakamatay diumano sa pamamagitan ng pagtalon sa gusali ng pinapasukang unibersidad ang 19-anyos na senior high school student, Lunes ng umaga.

Ito’y bunga ng kawalan ng nakalap na ebidensiya ang pulisya na magpapatunay na may nangyaring “foul play” sa pagkamatay ng binatilyong estudyante na residente ng Navotas City.

Sa ulat na tinanggap ni Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta, dakong alas-6:25 ng umaga nang umakyat sa rooftop ng 19-na palapag na gusali ng LCT Building na kinalalagyan ng University of the East (UE) sa Caloocan Campus, Samson Road, Barangay 80 ang biktima bago tumalon at bumagsak sa bakanteng lote sa likuran ng naturang gusali.

Isinugod pa ng mga security personnel ng naturang pamantasan ang biktima sa Manila Cenral University (MCU) Hospital subalit idineklang patay na pagsapit sa naturang pagamutan.

Ipinahayag naman ng maintenance personnel ng naturang pamantasan sa pulisya na nakuha niya ang iniwang liham ng biktima na nagsasaad ng mga katagang “Mom, I left a note under [my] drawing pad at [my] desk. It’s not your fault, I’m sorry, I really sorry Mom.”

Isa pang liham ang nakuha sa mesa ng biktima na nagsasaad naman ng mga katagang “Password is:…, I repeat,… Also, It’s not your fault. It’s mine, I just got tired of this world. I’m sorry. There’s a few request I have, just look at the desktop after logging in.”

Hindi na idinetalye pa ng pulisya ang nilalaman ng desktop computer ng biktima bagama’t malinaw na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na isang uri ng pagpapatiwakal ang nangyari.

AUTHOR PROFILE