Default Thumbnail

Mayor Honey nagpasalamat muli sa mga kawani

January 24, 2023 Edd Reyes 191 views

Sa patuloy na ‘pagganda’ ng Maynila

PERSONAL ng ipinaabot nitong Lunes ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang kanyang muling pasasalamat sa lahat ng mga kawani ng lokal na pamahalaan sa kanilang “masigasig at tapat na paglilingkod” sa pamahalaan matapos ang ginawang pagpupugay sa watawat.

Sa kanyang pagsasalita, sinabi ng alkalde na paulit-ulit na niyang binabanggit na hindi niya magagawang mag-isa ang mga tungkulin at paglilingkod sa mamamayan kung walang suportang ibibigay ang mga opisyal at kawani ng pamahalaang lungsod.

“Ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng mga kawani dahil sa araw-araw na inyong ginagawang tungkulin ay kahit papaano po ay gumaganda [nang] gumaganda ang ating lungsod,” pahayag ng alkalde.

Partikular na binanggit ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga opisyal at kawani ng mga dapartamentong binubuo ng City Treasurer’s Office, Business Permit, Manila Health Department, Licensing Office, at iba pa na ilang linggo na aniyang tumutulong sa mga taxpayers na nagtutungo sa city hall at sa kanilang satellite office upang magbayad ng buwis.

Hindi rin kinalimutan ng alkalde na pasalamatan ang mga taxpayers, kabilang dito ang mga negosyante, na tumatalima sa taunang pagbabayad ng renewal ng kanilang business permit at sa mga bagong aplikanteng nagnanais mamuhunan sa lungsod na dahilan ng paglobo ng pondo ng lokal na pamahalaan.

“Gaya po ng sinabi ko noong nakaraang linggo, paganda po [nang] paganda ang pasok ng pondo sa ating lungsod ngayong taon. Sana po ay magtuloy-tuloy ito,” sabi pa ni Mayor Honey.

Nauna na rito’y ini-anunsiyo ng alkalde ang pagpapalawig sa pagbabayad ng buwis ng mga magre-renew ng kanilang business permit at sa mga kukuha ng bagong aplikasyon mula Enero 20 ng hanggang Pebrero 3.

“Ito po ay pinalawig ng Konseho ng Maynila kaya ako po ay nakikisuyo sa ating mga kababayan na sana, huwag na po ninyong hintayin ang huling araw nang sa gayon po ay hindi kayo nahihirapan,” pahayag ng alkalde.

AUTHOR PROFILE